DALAWANG quarterfinal tickets pa sa Leg 3 ng PBA 3×3 Second Conference ang pag-aagawan dahil umusad na ang anim na koponan sa knockout stage ngayong Martes sa Ayala Malls Fairview Terraces.
Ang mga nalalabing puwesto ay pinaglalabanan ng Terrafirma, Northport, at San Miguel sa Pool B sa pagtatapos ng pool play sa opening day.
Sa kasalukuyan, ang Dyip ay nasa ikalawang puwesto sa grupo na may 1-1 record sa likod ng Pool B top seed Meralco (3-0).
Tinapos ng NorthPort ang kanilang pool play campaign na may 1-2 kartada, habang ang San Miguel ay walang panalo sa dalawang laro.
Magsasalpukan ang Dyip at Beermen sa pagtatapos ng group stage Martes ng umaga para madetermina kung alin sa tatlong koponan ang aabante sa susunod na round.
Pasok na sa quarterfinals ang Meralco, TNT, Pioneer Elastoseal, Purefoods, Cavitex, at Blackwater.
Winalis ng Meralco ang lahat ng kanilang tatlong laro sa Pool B, tampok ang dominant 21-9 win kontra San Miguel sa likod ng 10 points at 6 rebounds ni guard Jeff Manday.
Ganito rin ang ginawa ng TNT, kampeon sa unang dalawang legs ngayong conference, sa Pool A, kabilang ang kapana-panabik na 21-19 victory laban sa guest team MCFASolver, sa pangunguna nina Chester Saldua at Gryann
Mendoza na nanalasa sa krusyal na sandali para igiya sa panalo ang telecommunication franchise.
CLYDE MARIANO