PBA 3X3: BACK-TO-BACK LEG CROWNS SA GINEBRA

SA PAGKAKA­TAONG ito ay si Ralph Cu ang naging bayani para sa Barangay Ginebra.

Isinalpak ni Cu ang game-winning deuce kontra Meralco Bolts sa overtime, 19-17, at nakopo ng Kings ang ikalawang sunod na leg title sa PBA 3×3 Season 3 First Conference nitong Martes sa Ayala Mall Circuit.

Ang panalo na naglkakahalaga ng P100,000 ay pag-alala sa dramatic overtime win ng koponan laban sa San Miguel sa opening leg noong nakaraang linggo, kung saan umiskor si Donald Gumaru ng dagger basket laban sa Beermen.

Si Gumaru ang responsable sa paghatid sa finals kontra Bolts sa laro sa extra period nang maipasok niya ang isang driving layup halos sabay sa pagtunog ng buzzer, 17-17.

Nanguna si Kim Aurin para sa Kings na may 8 points, habang nagdagdag si Cu ng 6 upang tulungan ang Ginebra na kunin ang back-to-back leg championships sa unang pagkakataon.

Tumapos sina Ralph Salcedo at Donald Gumaru na may 3 at 2 points, ayon sa pakakasunod, para sa Kings.
Naibulsa ng Bolts ang P50,000 runner-up purse.

Tungo sa finals, ginapi ng Meralco ang Cavitex, 21-18, habang dinispatsa ng Ginebra ang Blackwater, 22-17.

Nakopo ng Cavitex ang ikalawang sunod na third place finish ngayong conference sa likod ng 19-15 win kontra Blackwater.

Iskor:
Third place:
Cavitex (19) – Gonzaga 7, Ighalo 5, Napoles 4, Fajardo 3.
Blackwater (15) – Publico 8, Salva 3, Bayla 2, Jamison 2.

Finals:
Ginebra (19) – Aurin 8, Cu 6, Salcedo 3, Gumaru 2.
Meralco (17) – Batino 6, Sedurifa 5, Manday 4, Santos 2.