PBA 3X3: BACK-TO-BACK LEG TITLES SA ‘TROPA’

ANTIPOLO – Sinementuhan ng TNT ang dominasyon nito sa PBA 3×3 Third Conference sa pagwawagi ng ikalawang sunod na korona kahapon sa Ynares Center.

Sumandal ang Tropang Giga sa isa na namang mainit na shooting mula kay Almond Vosotros at sa mahahalagang kontribusyon nina Samboy De Leon, Lervin Flores, at Ping Exciminiano upang gapiin ang first time finalist Terrafirma Dyip, 21-15, at pagharian ang Leg 4 ng standalone tournament.

Sa kabuuan, ito ang ikatlong leg crown ngayong conference para sa telecommunication franchise, na nakuha rin ang titulo sa opening leg.

Tanging ang Meralco ang bumasag sa dominasyon ng TNT nang angkinin ang Leg 2.

Ang TNT ay naging ikalawang koponan na nagwagi ng back-to-back leg championships matapos ng Limitless App sa first conference.

“Hats off to my players. I couldn’t emphasize that enough kasi three championships in four legs,” sabi ni winning coach Mau Belen.

“Really, everyone just wants to win.”

Naiuwi ng Tropang Giga ang top purse na P100,000.

Tumapos si Vosotros na may 9 points at 6 rebounds, habang nagdagdag si De Leon ng lima, kabilang ang deuce na nagbigay ng kampeonato.

Nakopo ng Terrafirma ang runner-up honor na nagkakahalaga ng P50,000 para sa pinakamatikas na pagtatapos ng koponan sa half-court game.

Naungusan ng Dyip ang Cavitex sa quarterfinals, 22-20, at nalusutan ang Limitless App sa dikdikang semis, 21-17, upang maisaayos ang finals showdown sa Tropang Giga.

Pinataob ng San Miguel ang Limitless App, 21-17, upang maiuwi ang P30,000 premyo sa duelo para sa third place.

Iskor:
Third place:
SMB (21) – Comboy 9, Bono 6, Manday 6, Gotladera 0.
Limitless App (17) – Pascual 7, Tamsi 6, Salva 3, Camacho 1

Finals:
TNT (21) – Vosotros 9, De Leon 5, Flores 5, Exciminiano 2.
Terrafirma (15) – Alanes 6, Taladua 4, Cachuela 3, Bulawan 2.