INAGAWAN ng eksena ng Blackwater ang dalawang leg winners at sumirit sa No. 1 sa Pool A upang pangunahan ang quarterfinalists sa PBA 3×3 Season 2 First Conference Leg 5 sa Robinsons Novaliches.
Ang Red President ay nagtapos sa triple tie sa Leg 2 victor Cavitex at Leg 4 ruler San Miguel Beer sa 1-1 matapos ang group play ngunit nangibabaw makalipas ang tiebreak na may 40 points.
Kinuha ng Braves ang ikalawang quarterfinal spot na may 37.
Nakopo ng Blackwater, bigong makausad sa KO stage noong nakaraang linggo, ang kinakailangang panalo sa 21-13 upset sa SMB sa unang laro.
Kumana si Alfrancis Tamsi ng 12 points sa 5-of-7 shooting mula sa deep habang nagdagdag si Prince Rivero ng 7 at gumawa si Jeff Javillonar ng 2 para sa Red President.
Umabante rin ang Leg 1 winner TNT, Leg 3 conqueror Meralco at guest team J&T Express sa quarterfinals sa iba pang groups.
Ginapi ng Tropang Giga ang Barangay Ginebra, 21-11, at NorthPort, 21-12, upang dominahin ang Pool B habang winalis ng Bolts ang Pool C kontra Terrafirma, 16-12, at Pioneer Elastoseal, 21-14. Na-sweep ng J&T, runner-up sa Leg 2, ang Pool D laban sa Platinum Karaoke, 15-10, at Purefoods, 20-17.
Pasok din ang Gin Kings (Pool B), Katibays (Pool C) at Platinum (Pool D) sa quarterfinals bilang No. 2 sa kani-kanilang brackets na may 1-1 records.