MATAPOS ang tagumpay sa second leg, nagtala ang back-to-back-seeking Meralco ng dalawang panalo upang agad na umusad sa quarterfinals ng PBA 3×3 Third Conference Leg 3 kahapon sa Robinsons Magnolia.
Sa pagbabalik ni Tonino Gonzaga sa koponan upang muling makasama sina Alfred Batino, Joseph Sedurifa at Dexter Maiquez makaraang hindi maglaro sa kanilang leg-winning campaign noong nakaraang linggo dahil sa injury, dinurog ng Bolts ang Zamboanga Valientes, 20-9, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa Pool A.
Kasunod nito, sa pangunguna ni Sedurifa na nagpasabog ng 10 points, naitala ng Meralco cagers ang ikalawang sunod na panalo via 19-16 verdict kontra Limitless App tungo sa Last-8 spot na may isang laro na lamang sa elims. Magtatangka ang Meralco sa ikatlong panalo ngayong umaga kontra NorthPort (0-2) bago sumalang sa KO rounds.
Sinundan nina Appmasters Jorey Napoles, Nico Salva, Simon Camacho at Alfrancis Tamsi ang Bolts sa susunod na round makaraang tumapos sa 2-1. Nagwagi sila laban sa NorthPort (0-2), 18-13, at Valientes (1-2), 21-10), at nabigo sa Meralco.
Nagtala ng 2-0 sa Pool C ang Second Conference titlist Pioneer Pro Tibay, na namayani laban sa Sista Super Sealers, 18-12, at Barangay Ginebra, 16-10.
Maaaring makumpleto ng Pioneer crew nina Robin Rono, Gian Abrigo, Christian Rivera at Reeve Ugsang ang sweep sa kanilang huling pool game kontra Platinum (1-1) ngayong Martes.
Tinapos ng Sista ang elims na may 2-1 kartada makaraang pataubin ang Gin Kings sa final game ng Day 1, 18-10.
Samantala, mainit ang naging simula ng Leg 1 victor TNT at Purefoods sa Pools B at D, ayon sa pagkakasunod.
Naungusan ng Tropang Giga ang San Miguel Beer, 19-18, habang ginapi ng Titans ang Master Sardines, 21-15.
– CLYDE MARIANO