NAKOPO ng Cavitex ang back-to-back titles sa PBA 3×3 First Conference Season 3 makaraang pataubin ang Pioneer Elastoseal, 22-10, sa Leg 5 finale nitong Martes sa Ayala Malls Manila Bay.
Umiskor sina dating 3×3 national player Jorey Napoles at Kenneth Ighalo ng tig-7 points para sa Braves, na nakontrol ang laro mula umpisa ng 10-minute final.
Sa pangunguna nina Napoles at Ighalo, ang Cavitex ay kumarera sa 10-2 lead at hindi na lumingon pa tungo sa pagkopo ng ikalawang leg championship.
Tumipa sina Dominick Fajardo at Bong Galanza ng tig-4 points para sa Braves ni coach Kyles Lao, na nagbulsa ng P100,000 premyo.
Naunang nalusutan ng Cavitex ang two-time leg champion Barangay Ginebra sa semifinals, 20-19.
Subalit hindi sila nahirapan kontra upset-conscious Elastoseal, na naisaayos ang showdown sa Cavitex kasunod ng 18-13 panalo laban sa NorthPort sa semis.
Ito ang ikalawang runner-up finish para sa Pioneer ngayong conference upang maiuwi ang P50,000. Samantala, nakaballk ang Barangay Ginebra sa podium nang maungusan ang NorthPort, 21-18, upang makuha ang third place at P30,000 cash prize.
Nagpasabog si Donald Gumaru ng 13 big points upang pangunahan ang Kings, na siyang Legs 1 at 2 champion.
Sa quarterfinals, pinadala ng NorthPort ang Purefoods, 17-14; dinispatsa ng Cavitex ang Meralco, 16-14; namayani ang Pioneer sa Blackwater, 14-12; at nakaganti ang Ginebra sa TNT, 17-15.
-CLYDE MARIANO
Iskor:
Third place:
Ginebra (21) – Gumaru 13, Salcedo 4, Cu 2, Ubalde 2.
NorthPort (18) – Capacio 6, Bulawan 6, Bauzon 4, Zamora 2.
Finals:
Cavitex (22) – Napoles 7, Ighalo 7, Fajardo 4, Galanza 4.
Pioneer (10) – Morido 8, Abrigo 1, Mocon 1, Villamor 0.