SISIKAPIN ng Barangay Ginebra na umukit ng kasaysayan sa paglarga ng PBA 3×3 Season 3 Leg 3 First Conference ngayong Lunes sa Ayala Malls.
Wala pang koponan sa batang kasaysayan ng half-court game ang nagwagi ng tatlong sunod na legs, at ang Kings ay nasa perfect position na gawin ito makaraang pagharian ang unang dalawang legs sa dramatic fashion.
Tinalo ng Ginebra ang San Miguel sa overtime, 19-17, upang kunin ang opener, at pagkatapos ay nalusutan ang Meralco via extra period din, 19-17, para sa ikalawang leg championship.
Bukod sa Ginebra, ang TNT ang isa pang koponan na nanalo ng magkasunod na leg titles sa Third Conference ng Season 1.
Subalit hindi makakasama ng Kings, na pinangungunahan ang Pool A kasama ang Pioneer Elastoseal at Purefoods, si Kim Aurin sa pagkakataong ito at pinalitan siya ni John Espanola.
Sina Ralph Cu, Ralph Salcedo, at Donald Gumaru ang iba pang players ng Ginebra.
Ang Leg 2 runner up Meralco ay nasa Pool B kasama ang San Miguel, Wilcon Depot, at NorthPort.
Sa Pool C ay ang Cavitex, Blackwater, TNT, at Terrafirma.
Bubuksan ng Blackwater versus TNT ang hostilities sa unang araw ng pool play simula alas-10:30 ng umaga.
Ang top two teams sa Pool A, gayundin ang top three finishers sa Pool B at Pool C ay aabante sa knockout stage na gaganapin sa Martes.