PBA 3X3: IKA-3 SUNOD NA LEG TITLE TARGET NG CAVITEX

pba 3x3

SISIKAPIN ng Cavitex na matikas na tapusin ang kanilang Leg Tour campaign sa PBA 3×3 First Conference sa pagpuntirya sa ikatlong sunod na titulo papasok sa grand finale sa susunod na linggo.

Pinapaboran ang Braves na muling mamayani sa final leg ng conference dahil sa matagumpay na Leg 5 campaign nito noong nakaraang linggo nang pataubin nila ang Pioneer Elastoseal, 22-10, para sa korona.

Ang koponan ay kasalukuyang nangunguna sa 10 koponan sa Total Tour Points na may 410 matapos ang limang legs, at seeded outright sa knockout stage ng grand finals na gaganapin sa August 13.

Sa kabila nito ay ayaw magkampante ng Braves at determinadong kunin ang Leg 6 honor sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Season 3 ngayong Lunes sa Ayala Malls Trinoma.

Nagpasya si Cavitex coach Kyles Lao na i-reactivate si guard Tonino Gonzaga kapalit ni Kenneth Ighalo, na nakisalo sa scoring honor sa Leg 5 finals noong nakaraang linggo. Makakasama ni Gonzaga sina Jorey Napoles, Dominick Fajardo, at Bong Galanza.

Ang 3×3 franchise ng NLEX ang nangunguna sa Pool A kasama ang Blackwater Razor Smooth at TNT Triple Giga, na ibabalik sa aksiyon si top scoring guard Almond Vosotros makaraang lumiban sa penultimate leg ng conference.

Pangungunahan ng Pioneer Elastoseal, nakopo ang runner-up finish sa ikalawang pagkakataon, ang Pool B kasama ang Meralco, Purefoods, at Wilcon Depot.

Binalasa rin ni Elastoseal coach Lester Del Rosario ang kanyang roster sa layuning makuha ang last leg title, ipinasok si Wilson Baltazar kapalit ni Kenneth Mocon upang samahan ang trio nina Gian Abrigo, Denice Villamor, at Reggie Morido.

Samantala, ang Pool C ay kinabibilangan ng quartet ng back-to-back leg champion Barangay Ginebra, Northport, Terrafirma, at San Miguel.

Ang Kings ay pumapangalawa sa Cavitex na may Total Tour points na 328, kasunod ang TNT (290), at Meralco (285).

Pinalitan ng Ginebra, may podium finish noong nakaraang linggo, si John Ubalde ni Kim Aurin, habang pinanatili sina Donald Gumaru, Raphael Cu, at Ralph Salcedo sa active roster.

Sisimulan ng NorthPort at Terrafirma ang hostilities sa opening day ng pool play, kung saan ang top eight teams mula sa tatlong grupo ay aabante sa knockout stage na lalaruin sa Martes.

Ang champion team ay tatanggap ng P100,000.