PBA 3X3 LEAGUE TARGET SIMULAN SA OKTUBRE

Willie Marcial

KUNG walang magiging problema ay umaasa ang Philippine Basketball Association (PBA) na masisimulan nito ang inaugural 3×3 league sa Oktubre.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, tiinitingnan nila ang posibilidad na mabuksan ang 3×3 season sa susunod na buwan subalit ito ay kung papayagan silang idaos ito sa Metro Manila.

Sinabi ni Marcial na magiging mahirap kung dadalhin nila ang mga laro sa Pampanga, kung saan idinadaos ang 2021 PBA Philippine Cup, lalo na sa kasalukuyang sitwasyon dahil sa COVID-19 pandemic.

“We are targeting to start by October but we can only do so if we are cleared to play in NCR,” pahayag ni Marcial sa panayam ng GMA News Online.

“But everything has been laid out by the group of (Alaska) governor Dicky (Bachmann) and we’re good to go. We’re just awaiting formal approval to play in Metro Manila.”

Ayon kay Bachmann, itinalagang mangasiwa sa 3×3 activities bilang committee chairman, sa kasalukuyan ay may 14 koponan na ang kumpirmadong lalahok sa torneo.

Sa sandaling makakuha ng go-signal para simulan ang season, ang mga koponan ay bibigyan ng dalawa hanggang tatlong linggo upang mag-ensayo bago pormal na buksan ang liga.

Sampu lamang sa regular PBA teams ang inaasahang lalahok sa 3×3 league — hindi kasali ang Alaska at Blackwater — habang ang apat na iba pang koponan ay magiging guest teams.

Comments are closed.