GINIBA ng MCFASolver ang San Miguel Beer, 19-17, upang kunin ang Leg 2 title ng PBA 3×3 Third Conference nitong Martes sa Ayala Malls Manila Bay.
Na-outscore ng Tech Centrale ang Beermen, 6-1, upang basagin ang 11-11 pagtatabla at kunin ang 17-12 kalamangan, bago nalusutan ang late charge ng kanilang katunggali at maibulsa ang top purse na P100,000.
Dinaig ni Brandon Ramirez si Ken Bono sa “battle of the bigs” sa pagkamada ng 9 points at 4 rebounds upang pangunahan ang MCFASolver sa kanilang ikalawang leg championship ngayong season.
Sa panalo ay naiganti rin ng koponan ang pagkatalo sa Meralco sa Leg 1 finals bago matapos ang 2023.
Nag-ambag si Louie Vigil ng 7 points, habang naitala nina Terrence Tumalip at Yutien Andrada ang iba pang puntos ng koponan ni coach Anton Altamirano.
Naisaayos ng San Miguel ang finals duel sa MCFASolver makaraang gapiin ang Blackwater sa semis, 21-16, kung saan tinampukan ng upsets ang quarterfinals ng knockout stage sa pagkatalo ng perennial contenders Meralco at TNT.
Nanguna para sa Beermen si Pao Javelona na may 6 points at naiuwi nila ang P50,000 sa pagiging runner up sa ikalawang pagkakataon ngayong season magmula sa opening leg ng First Conference.
Humabol ang San Miguel mula sa five-point deficit at nagbanta sa 18-17, may pitong segundo ang nalalabi.
May pagkakataon pa ang Beermen na ihatid ang laro sa overtime makaraang magmintis si Vigil sa kanyang ikalawang free throw para sa two-point lead ng MCFASolver.
Subalit sumablay si Javelona sa potential game-tying deuce at nakuha ni Vigil ang rebound para kunin ang panalo para sa Tech Centrale.
Samantala, nagpakawala si Tonino Gonzaga ng 10 points sa 6-of-10 shooting mula sa field upang pangunahan ang Cavitex laban sa hard-fighting Blackwater side, 20-19, sa duelo para sa third place.
Naisubi ng Braves ang P30,000.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Third place:
Cavitex (20) – Gonzaga 10, Napoles 5, Ighalo 5, Paniamogan 0.
Blackwater (19) – Publico 6, Deles 6, Comboy 4, Bienes 3.
Finals:
MCFASolver (19) – Ramirez 9, Vigil 7, Tumalip 2, Andrada 1.
San Miguel (17) – Javelona 6, Apacible 4, Sarao 4, Bono 3.