NAKUMPLETO ng TNT ang fight back kontra Cavitex upang maitakas ang hard-earned 21-17 win at kunin ang isa pang leg championship sa PBA 3×3 nitong Linggo sa Robinsons Place Novaliches.
Muling nagbida si Almond Vosotros para sa Tropang Giga, sinindihan ang 12-4 run na naging tuntungan upang kunin ang Leg 3 title.
Mistulang sinapian ang streak shooting guard kung saan kinamada niya ang lahat ng output ng kanyang koponan sa nasabing critical run sa isang virtual one-man scoring show.
Nagngingitngit si Vosotros, ang three-time scoring champion ng standalone tournament, at kumana ng 12 sunod na puntos sa five-minute stretch at binura ng TNT ang 13-9 lead ng Cavitex.
Tumapos siya na may game-high 15 points, kabilang ang game-winning deuce, may 2:40 pa ang nalalabi sa gitna ng pagbubunyi ng TNT side, sa pangunguna nina coach Mau Belen, at players Lervin Flores Gryann Mendoza, at Rey Mark Acuno.
Ang korona ay nagkakahalaga ng P100,000 para sa telecommunication franchise na nakopo ang ikalawang leg title ngayong conference. Nauna nilang kinuha ang Leg 1, ngunit natalo sa Leg 2 sa J&T Express noong nakaraang linggo.
Ang Tropang Giga ay hindi pa nawawala sa leg finals ngayong conference, at sa huling anim mula pa sa First Conference.
Tumipa sina Bong Galanza at rookie Sherwin Concepcion ng tig-5 points para manguna sa Braves, na nag-uwi ng P50,000 runner up purse.
Samantala, inangkin ng Meralco ang third place makaraang pataubin ang Barangay Ginebra, 17-15.
Ang podium finish na nagkakahalaga ng P30,000 ay una para sa Bolts magmula sa Leg 4 ng First Conference kung saan nakopo rin nila ang third place.
Iskor:
Third place:
Meralco (17) – De Vera 7, Batino 6, Manlangit 3, Gonzaga 1.
Ginebra (15) – Aurin 8, Villamor 4, Gumaru 2, Cu 1.
Finals:
TNT (21) – Vosotros 15, Mendoza 3, Flores 2, Acuno 1.
Cavitex (17) – Galanza 5, Concepcion 5, Fajardo 4, Napoles 3.