PBA 3X3 LEG 4 CROWN SA PLATINUM KARAOKE

pba 3x3

SINELYUHAN ng Platinum Karaoke ang amazing run sa Leg 4 playoffs ng PBA 3×3 sa pagsikwat ng kanilang kauna-unahang kampeonato nitong Linggo sa Robinsons Place sa Malabon.

Ginapi ng tropa ni coach Anton Altamirano ang matikas na Cavitex Braves side sa isang low-scoring final, 13-12, upang maiuwi ang P100,000 premyo.

Nauna nang nakapasok ang Platinum Karaoke sa leg finals ng dalawang beses, subalit laging nagtatapos na runner-up.

Sa pagkakataong ito ay wala nang nakapigil sa koponan kung saan isinalpak ni Terrence Tumalip ang clutch deuce na nagbigay sa Platinum ng 13-10 kalamangan, may 52 segundo ang nalalabi, habang nasupalpal ni big man Brandon Bates ang potential game-winning 2 ni Jorey Napoles sa buzzer upang mapangalagaan ang hard-earned win.

Tumapos si Tumalip na may 6 points, nag-ambag si Bates ng 4, tumipa si Nico Salva ng 3, habang kumalawit si Yutien Andrada, ang tanging player na natira mula sa original Platinum Karaoke team, ng 5 rebounds at gumawa ng 2 block shots.

“So proud of this team. It’s been a long time coming,” sabi ni Altamirano matapos ang laro.

“Ang tagal naming hinintay ito. It’s God’s will.”

Naiuwi ng Cavitex ng P50,000 matapos ang ikalawang sunod na runner-up finish.

Nanguna si Napoles para sa Braves na may 6 points at 6 rebounds, kabilang ang long two na naglapit sa Braves sa 13-12, sa huling 44 segundo.

May pagkakataon ang Cavitex na maitakas ang panalo, ngunit naroon si Bates para isalba ang Platinum sa pagpigil sa final attempt ni Napoles.

Patungo sa finals, binigo ng Platinum ang back-to-back title bid at ang ika-4 na sunod na finals appearance ng TNT sa conference sa dikit na 13-12 win sa kanilang quarterfinals duel.

Sa semifinals, naungusan ng Platinum ang isa pang dating leg winner J&T, 15-13, upang umabante sa finals.

Nauna rito ay dinispatsa ng Cavitex ang Barangay Ginebra sa quarterfinals, 18-12, at tinalo ang Blackwater sa semis, 21-19.

Samantala, napigilan ng Express ang Blackwater Red President sa kauna-unahan nitong podium finish sa pagtarak ng 22-20 overtime victory sa pangunguna nina Joseph Sedurifa at Robert Datu na nagtala ng pinagsamang 18 points.

Naipasok ni Robin Rono ang game-winning deuce upang bigyan ang Express ng P30,000 premyo para sa third place.

Iskor:
Third place:
J&T (22) – Sedurifa 9, Datu 9, Rono 3, Hayes 1
Blackwater (20) – Tamsi 8, Cani 7, Escoto 5, Rivero 0.

Finals:
Platinum Karaoke (13) – Tumalip 6, Bates 4, Salva 3, Andrada 0.
Cavitex (12) – Napoles 6, Fajardo 4, Saldua 1, Rangel 1.