NAKAGANTI ang Cavitex sa Platinum Karaoke sa pagtala ng wire-to-wire 21-13 win upang kunin ang leg title sa PBA 3×3 Second Conference Season 2 nitong Linggo sa Robinsons Place Novaliches.
Maagang nakontrol ng Braves ang Leg 5 finals sa likod nina Dominick Fajardo at Chester Saldua, na salitan sa pagbibigay sa koponan ng 10-2 kalamangan, may apat na minuto pa lamang ang nagagamit sa laro.
Hindi na nakabawi ang Platinum mula sa mabagal na simula at kumarera ang Braves sa kanilang unang championship ngayong conference na nagkakahalaga ng P100,000.
Nanguna si Fajardo para sa Cavitex na may 9 points, nagdagdag si Saldua ng 7, at tumipa si Jorey Napoles ng 5, kabilang ang game-clinching deuce.
Kinumpleto ni Tzaddy Rangel ang championship quartet ng Braves na ginabayan ni Emman Monfort.
Naiganti ng Braves ang dikit na 13-12 pagkatalo sa Platinum Karaoke sa Leg 4 finals noong linggo. Tinapos din nito ang pares ng runner-up finishes sa unang dalawang legs.
Nakakuha ang Platinum Karaoke ng tig-4 points kina Raphael Banal, Yutien Andrada, at Yves Sazon, habang nalimitahan si top gun Terrence Tumalip sa single point sa 1-of-5 shooting mula sa field.
Sa pagtatapos sa ikalawang puwesto, ang Platinum Karaoke ay tumanggap ng P50,000.
Samantala, nakopo ng Pioneer Elastoseal ang podium finish sa unang pagkakataon ngayong season nang gapiin ang Barangay Ginebra sa duelo para sa third place, 17-14.
Naiuwi ng Katibays ang P30,000 premyo sa kanilang best finish magmula nang pumang-apat sa Leg 5 ng First Conference.
Patungo sa finals, dinispatsa ng Cavitex ang Blackwater sa quarterfinals, 16-12, at sinibak ang Pioneer Elastoseal, 22-14, sa semis.
Samantala, pinataob ng Platinum ang Meralco (17-15) at Barangay Ginebra (21-11) upang maisaayos ang rematch sa Braves.
Iskor:
Third place:
Pioneer Elastoseal (17) – Doliguez 7, Abrigo 5, Rivera 4, Morido 1.
Ginebra (14) – Gumaru 7, Mangahas 3, Aurin 3, Cu 1.
Final:
Cavitex (21) – Fajardo 9, Saldua 7, Napoles 5, Rangel 0.
Platinum Karaoke (13) – Banal 4, Andrada 4, Sazon 4, Tumalip 1.