PINANGUNAHAN ng Meralco ang anim na koponan na umabante sa Leg 5 quarterfinals ng PBA 3×3 First Conference matapos ang unang araw ng pool play sa Ayala Malls Manila Bay.
Walang sinayang na oras ang Bolts sa pagkopo ng back-to-back wins sa Pool C kontra Barangay Ginebra, 18-13, at Pioneer Elastoseal, 19-14, upang umusad sa susunod na round.
Sa pangunguna ni big man Alfred Batino, target ng Meralco na makumpleto ang three-game sweep sa pool play sa panalo kontra winless Wilcon Depot (0-2) sa morning session ngayong umaga bago ang quarterfinals.
Sinamahan ng TNT, Pioneer Elastoseal, Barangay Ginebra, NorthPort, at last week’s leg winner Cavitex ang Meralco sa knockout stage.
Naglaro na wala si top gun Almond Vosotros, ang Triple Giga ay nanguna sa Pool B na may 2-1 kartada makaraang magwagi sa kanilang unang dalawang laro kontra Purefoods, 15-14, at Blackwater 21-14, subalit natalo sa San Miguel, 20-18.
Samantala, nakopo ng Pioneer Elastoseal ang ikalawang quarterfinals berth sa Pool C sa likod ng kanilang 2-1 record sa mga panalo laban sa Wilcon Depot, 18-11, at Barangay Ginebra, 21-19, at 19-14 loss sa Bolts.
Sa kabila ng 1-2 record sa Pool C, ang Ginebra ay sigurado na sa susunod na round dahil hawak nito ang head-to-head encounter kontra Wilcon, 21-15, kahit pa manalo ang guest team sa Meralco sa kanilang final outing.
Sa Pool A, tumapos ang Cavitex, NorthPort, at Terrafirma sa 1-1 records, subalit umusad ang Braves at Batang Pier makaraang makalikom ng pinakamaraming puntos na naiskor sa pagtatapos ng pool play.
Nakakolekta ang Batang Pier ng 38 points, ang Braves ay may 36, at ang Dyip ay may 34.
-CLYDE MARIANO