MAGBABALIK ang mga bigatin sa 3×3 kung saan lalarga ang Season 3 ng PBA 3×3 sa Lunes sa Ayala Mall Manila Bay.
Pangungunahan nina Gilas Pilipinas 3×3 mainstays Almond Vosotros at Lervin Flores ang TNT Triple Giga sa July 3-4 First Conference kickoff leg makaraang magtala ng makasaysayang grand slam sa Season 2.
Sasamahan nina veterans Ping Exciminiano at Gryann Mendoza ang dalawa sa kampanya laban sa Cavitex, Meralco 3×3, Barangay Ginebra, San Miguel Beer, Pioneer Elastoseal, Blackwater Smooth Razor, Purefoods, NorthPort, Terrafirma at bagong guest team Wilcon Depot.
Karamihan sa mga koponan ay nagpalakas ng kanilang lineup bago ang bagong season.
Nagbalik si Joseph Sedurifa sa Bolts kung saan muli niyang nakasama sina Alfred Batino, Jeff Manday at Bryan Santos habang pinalakas ni Tonino Gonzaga ang Braves crew nina Dominick Fajardo, Jorey Napoles at Ken Ighalo.
Isasabak ng Gin Kings sina Kim Aurin, Donald Gumaru, Ralph Cu at Ralph Salcedo, na pinanday ng kanilang karanasan sa PBA on Tour, habang balik si Ken Bono sa SMB upang samahan sina John Apacible, Chester Saldua at newbie Marvin Lee.
Pangungunahan nina Gian Abrigo at Dennice Villamor ang Katibays, na ipaparada rin sina bagong recruit Ken Mocon ar Enrique Caunan Jr. habang makikipagtambalan sina Nico Salva at JR Alabanza kina Patrick Jamison at Dariel Bayla sa Blackwater.
Babandera sina Christian Rivera at Martin Gozum para sa bagong bihis na Titans, na kinuha sina Med Salim at Christian Bunag habang makakasama nina Jebb Bulawan at Dexter Zamora sina Jan Sobrevega at Johnnel Bauzon sa kampo ng Batang Pier.
Tatampukan nina Andre Duremdes, Jason Dy Tan, Red Cachuela at Jordan Rios ang binalasang Dyip crew habang sina Raphael Banal, TH Tumalip, Keith Datu at Yutien Andrada ang pambato ng Wilcon sa kanilang maiden appearance.
Sisimulan ang aksiyon sa single round robin pool play kung saan walong koponan — ang top two finishers ng Pool A at top 3 squads ng Pools B at C – ang uusad sa knockout play sa Martes.