PBA 3X3 THIRD CONFERENCE LEG 2 CROWN SA BOLTS

ISINALPAK ni Dexter Maiquez ang game winning basket at nakumpleto ng Meralco ang paghahabol para gapiin ang Cavitex sa overtime, 18-17, at kunin ang Leg 2 crown ng PBA 3X3 Third Conference.

Ang Bolts ay sumalang sa finals kahapon sa Robinsons Las Pinas na may three-man lineup lamang makaraang ma-injure ni Maclean Sabellina ang kanyang tuhod sa semifinals at sandali lamang na naglaro championship.

Subalit matapang na nakihamok sina Alfred Batino, Joseph Sedurifa, at Maiquez at humabol mula sa five-point deficit sa regulation para maiuwi ang P100,000 grand prize.

“Buhos na kami. Kumuha na lang kami ng hugot sa isa’t isa,” sabi Maiquez matapos ang laro.

Umiskor sina Batino at Sedurifa ng tig-7 points habang nagdagdag sina Maiquez at Sabellina ng tatlo at isang puntos, ayon sa pagkakasunod.

Inihatid ni Sedurifa ang laro sa overtime nang maisalpak ang bucket na nagtabla sa talaan sa 16, may 18 segundo ang nalalabi sa regular frame.

Ang Meralco ay may 1-1 kartada sa preliminary round, makaraang magwagi kontra  Zamboanga Valientes, 21-13, subalit yumuko sa Platinum Karaoke, 17-13.

Tungo sa finals showdown kontra  Cavitex, pinataob ng Meralco ang TNT sa quarterfinals at ang Barangay Ginebra San Miguel sa semifinals.

Ito na ang ikatlong leg title ng Bolts sa  tatlong conference.

Nagbuhos si Prince Rivero ng team-high seven points para sa  Cavitex, na kinuha ang kanilang unang first runner up finish na nagkakahalaga ng  50,000.

Sa duelo para sa  third place, isinalpak ni Denice Villamor ang isang jumper, may 26 segundo ang nalalabi, upang pangunahan ang Barangay Ginebra sa 20-19 panalo kontra Terrafirma.

Nag-uwi ang Ginebra quartet nina Villamor, Mikey Cabahug, Will Gozum, at Leo De Vera ng P30,000.

Iskor:

Finals

Meralco (18) – Batino 7, Sedurifa 7, Maiquez 3, Sabelina 1.

Cavitex (17) – Rivero 7, Galanza 6, Fajardo 3, Rangel 1.

3rd place

Ginebra (20) – De Vera 9, Gozum 6, Villamor 3, Cabahug 2.

Terrafirma (19) – Alanes 8, Cachuela 7, Taladua 6,  Bulawan 1.