HINDI na gagamitin ang tradisyunal na North versus South format sa PBA All-Star.
Ang fans ang pipili sa 24 players na maglalaro para sa dalawang koponan na magpapasikat sa March 9-12 festivities na gaganapin sa Passi, Iloilo.
Ang voting ay sisimulan sa Jan. 25 hanggang Feb. 15 sa pamamagitan ng online at sa game venues.
Sinabi ni Commissioner Willie Marcial na ang set-up ay katulad sa ginagamit ng NBA sa annual All-Star game nito.
“Mamimili ang fans ng 24 (players). Kahit na anong position. Dun sa top 24, ‘yung dalawa gagawin nating captain ball,” pahayag ni Marcial sa media briefing sa halftime ng laro ng Converge at NorthPort sa Governors’ Cup noong Linggo sa Philsports Arena.
“‘Yung dalawang captain ball mamimili sila ng players doon sa 22 (na natira) para makabuo ng team.”
Gagamitin ang coin flip para madetermina kung sino sa dalawang captain ang unang pipili.
Ang dalawang coach na hahawak sa All-Star teams ay pipiliin din sa pamamagitan ng fan voting.
“’Yung top two (to be voted) ‘yun ang magiging coach nila,” ani Marcial.
Idaraos din ang Rookie-Sophomore-Juniors All-Star game na ang players ay pipiliin din ng fans.
Ito ang unang All-Star event ng liga sa loob ng apat na taon o magmula noong 2019 All-Star weekend na ginanap sa Calasiao, Pangasinan.