PBA BALIK-MOA ARENA SA ENERO

pba

HALOS dalawang taon magmula nang huli silang maglaro sa Pasay City venue, ang Philippine Basketball Association (PBA) ay magbabalik sa Mall of Asia Arena.

Ang MOA Arena ang magsisilbing host sa PBA Governors’ Cup double-header sa Enero 15, na tatampukan ng salpukan ng NorthPort at Blackwater sa alas-4 ng hapon, at ng Magnolia at  NLEX sa alas-6:30 ng gabi.

Sa January 16 ay idaraos din sa MOA Arena ang bakbakan ng TNT at TerraFirma sa alas-4 ng hapon, na susundan ng blockbuster affair sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng San Miguel Beer sa alas-6:30 ng gabi.

Huling naglaro ang PBA sa MOA Arena noong  Enero 17, 2020, nang dispatsahin ng Gin Kings ang Meralco Bolts, 105-93, upang kunin ang 2019 PBA Governors’ Cup title.

Binuksan ng PBA ang 45th season nito sa Araneta Coliseum noong Mardo 8, 2020, bago sinuspinde ang lahat ng league activities pagkalipas lamang ng tatlong araw dahil sa COVID-19 pandemic.

Makaraang idaos ang 2020 at 2021 All-Filipino conferences sa bubbles, ang PBA ay nagbalik sa Araneta Coliseum para sa Governors’ Cup, kung saan pinayagan ang live audience simula Disyembre 15.

Wala pang anunsiyo ang PBA kung papayagan din ang  fans na manood ng mga laro sa MOA Arena, bagaman ang venue ay pinagdausan kamakailan ng  Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League Invitational Tournament na may live audience.

Nag-holiday break ang PBA matapos ang two-game special sa Araneta Coliseum  noong nakaraang Disyembre 25 at 26, na tinawag na “Season of Joy.”

Magpapatuloy ang mga laro sa Enero 5 sa Big Dome, kung saan makakasagupa ng Magnolia  ang Blackwater sa alas-3 ng hapon, habang magpapambuno ang  Alaska at Meralco sa alas-6 ng gabi.