PBA BALIK-NINOY AQUINO STADIUM

MAKALIPAS ang 13 taon, ang PBA iay magbabalik sa Ninoy Aquino Stadium.

Ang pioneering pro league sa Asia ay magdaraos hindi lamang ng isa kundi pitong play dates sa venue na matatagpuan sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex para sa season-ending Philippine Cup.

Ang unang offering sa  stadium ay ang back to-back games sa April 6 at  7.

Sa isang special Saturday doubleheader sa 6th, maghaharap ang Rain or Shine at  Blackwater at ang Magnolia at NLEX.

Ang Rain or Shine at ang Purefoods franchise ang dalawa sa apat na koponan na huling naglaro sa Ninoy Aquino Stadium, 13 taon na ang nakalilipas..

Dala noon ang  B-Meg brand, nakasagupa ng Llamados ang San Miguel Beermen sa first game, habang nakaharap ng Barangay Ginebra ang Rain or Shine sa second match sa playoffs ng Fiesta Conference.

Sa susunod na araw  (April 7) ay makakabangga ng Ginebra ang Terrafirma sa main game, matapos ang Meralco-TNT duel.

Nakipagpulong si PBA Commissioner Willie Marcial kay  Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann kamakailan upang selyuhan ang partnership na pormal na naghudyat ng pagbabalik ng PBA sa Manila venue.

Sinabi ni Marcial na nasasabik siyang ibalik ang mga laro sa  Ninoy Aquino Stadium makaraang personal na inspeksiyunin ang playing court kasama si Bachmann.

Ang iba pang games sa NAS ay lalaruin sa April 10, April 24, at May 5.

Samantala, may dalawang official playing dates na gaganapin sa Caloocan Sports Complex sa April 13 at April 27, makaraang maging host ang venue sa  first game ng PBA On Tour sa pagitan ng Blackwater at NLEX noong nakaraang taon.

May mga nakatakda ring laro sa  Ynares Center sa Antipolo, Ynares Sports Arena sa Pasig, Philsports Arena, at sa Smart Araneta Coliseum.

Apat na provincial matches ang nakatakda sa Candon City, Ilocos Sur sa April 13, Tiaong, Quezon sa April 20, Cagayan de Oro sa April 27, at isa sa May 4 sa hindi pa mabatid na venue.