PBA D-LEAGUE LALARGA NA

Mga laro ngayon:
(Ynares Sports Arena)
2 p.m. – PSP vs Marinero-San Beda
4 p.m. – EcoOil-DLSU vs CEU

MAGHAHARAP ang defending champion EcoOil-La Salle at Centro Escolar University sa tampok na laro sa pagsisimula ng aksiyon sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayong Huwebes sa Ynares Sports Arena.

Nakatakda ang salpukan ng Green Archers at Scorpions sa alas-4 ng hapon matapos ang sagupaan ng debuting Philippine Sports Performance at Marinerong Pilipino-San Beda sa alas-2 ng hapon.

Gagabayan ngayon ni coach Topex Robinson, ang EcoOil-DLSU ay umaasang mapananatili ang korona at kasabay nito ay magpalakas para makabawi sa UAAP wars ngayong taon.

Pangungunahan nina Kevin Quiambao, Mike Phillips, Mark Nonoy at Evan Nelle ang Green Archers.

Sa laro ngayon ng La Salle ay hindi nila makakasama si Robinson, na bibiyahe sa United States. Pansamantala siyang papalitan ni deputy mentor Gian Nazario.

“I will not be around for our game against CEU but we will always compete,” sabi ni Robinson, na bumalik sa collegiate at amateur scene makaraang igiya ang Zark’s Burger-LPU sa 2018 Aspirants’ Cup title.

Ipaparada rin ng Scorpions si bagong coach Jeff Perlas, na bahagi ng coaching staff ni Robinson sa championship run ng i Jawbreakers sa D-League.

Ang CEU ay pangungunahan nina Jerome Santos, Vince Ferrer at Franz Diaz.

Aabangan din ang San Beda kung saan papasok si coach Yuri Escueta sa ikalawang taon ng kanyang Mendiola rebuild kasunod ng Final Four run sa NCAA Season 98.

“We still have a new team with the graduation and transfer of many players. We’re hoping the other guys will step up. Our goal is to compete every game, continue to strengthen our system and apply it in games to prepare us for the upcoming NCAA season,” sabi ni Escueta.

Sasandal ang San Beda kina holdovers Yukien Andrada, Alex Visser, Pedro Alfaro, Damie Cuntapay, Gabriel Cometa at JV ­Gallego.