KUNG matutuloy ang plano, mapapanood na ang PBA games sa China.
Nakatakdang umalis ngayong araw patungong Changsha ang mga opisyal ng PBA, sa pangunguna nina Commissioner Willie Marcial at Board Chairman Ricky Vargas, para talakayin ang posibilidad ng pagsasaere ng PBA games sa China.
Makikipagpulong ang league officials kay Mo Yanfei, presidente ng Hunan World Research Internet Company Limited.
Kasama rin sa PBA delegation sina Barangay Ginebra board representative Alfrancis Chua, league marketing head Gelo Serrano, at Bong Sta. Maria ng Philippine Global Network, na isang joint subsidiary ng TV5 Network Inc. at ng Philippine Long Dis-tance Company.
Kapag naisakatuparan ang plano, magiging makasaysayan ito para sa pro league na itinuturing na pioneer sa Asian basketball.
“Maganda ito kung sakali dahil first time na mangyayari sa Philippine sports na mayroong channel na make-carry ng (PBA) games sa China,” wika ni Marcial.
“At the same time, magiging closer ang liga sa mga Filipino na nasa China at ‘yung mga Chinese naman, makikita rin ‘yung brand ng basketball sa Pilipinas.”
Binanggit din ng league commissioner ang pagtalakay sa posibilidad na magdaos ng official game sa China.
Ani Marcial, inimbitahan ng PBA si East Asia League CEO Matt Beyer na samahan sila sa miting at talakayin ang posibilidad ng personal na pagdadala ng PBA sa brand of basketball nito sa bansa.
Comments are closed.