PBA GOVERNORS’ CUP: TULOY O TIGIL NA?

NAKATAKDANG magpulong ang PBA Board sa susunod na linggo para desisyunan ang kapalaran ng season-ending Governors’ Cup kasunod ng  indefinite suspension sa mga laro nito dahil sa COVID-19 surge.

Nag-usap na sina Commissioner Willie Marcial at Chairman Ricky Vargas hinggil sa krusyal na pagpupulong ng mga miyembro ng Board of Governors upang talakayin ang mga plano kung itutuloy o hindi ang natigil na season.

Inilahad ni Marcial ang time line ng liga nang bumisita siya bilang special guest sa virtual session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes.

“Magtatawag kami ng Board meeting next week para pag-usapan na kung ano ang dapat gawin kung saan patungo ang PBA,” ani Marcial.

“‘Pag nag-meeting kami next week, malamang ‘yan na ‘yung fate ng PBA kung saan tayo patungo. Malalaman kung ano ba, itutuloy natin or hindi natin itutuloy? Ano’ng gagawin natin sa imports, ano’ng gagawin natin sa players? By next week, siguro may kaunti nang liwanag.”

Dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 matapos ang holiday season ay napilitan ang liga na ihinto ang import-spiced tournament indefinitely, isang dagok sa liga na ilang linggo pa lamang ang nakararaan ay ibinalik ang fans sa loob ng Smart Araneta Coliseum.

Subalit may nababanaag na pag-asa sa liga nang iendorso ng Games and Amusement Board (GAB) sa pamamagitan ni Chairman Baham Mitra, sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapatuloy ng PBA games sa likod ng tinatawag ni Marcial na  ‘Type C bubble,’ o ang home-venue-home setup na katulad sa arrangement na isinagawa ng liga sa unang bahagi ng Philippine Cup last year.

“Nag-endorse na sila (GAB) ng letter sa IATF na payagan na tayong maglaro. So nagpasalamat ako sa kanya (Mitra) dahil malaking bagay sa atin yun,” sabi ni Marcial sa weekly Forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Amelie Hotel Manila, Braska Restaurant, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Unilever, at ng social media at webcast partner Prime Edge.

“From there, tingnan natin ano ang gagawin. Pero may kakausapin na tayo and magko-consult na tayo sa iba.”

Kasabay nito, hindi inaalis ng commissioner ang  posibilidad ng pagdaraos ng mga laro sa isang bubble sa labas ng Metro Manila tulad ng ginawa nito sa huling dalawang edisyon ng Philippine Cup kung saan idinaos ito sa Clark at Bacolor, Pampanga, ayon sa pagkakasunod.

“Malamang ‘yan pag-uusapan ‘yan next week. Pero ang sinasabi ko nga, kapag nag-bubble ba tayo sa labas (ng Metro Manila), sigurado ba tayong hindi tatamaan? ‘Yun ang isang pinangangambahan namin,” ani Marcial. CLYDE MARIANO