HINDI ihihinto ng PBA ang Governors’ Cup habang ginaganap ang FIBA World Cup Asian Qualifiers ngayong buwan.
Ayon sa PBA, nakipag-ugnayan na ang liga sa venues, gayundin sa kanilang television partner para masiguro na makapagpapatuloy ang PBA games kahit isinasagawa ang FIBA window.
Ang PBA ay magbabalik sa February 11, habang gaganapin ang FIBA window sa February 24-28 sa Araneta Coliseum. Sasalang ang Gilas Pilipinas sa apat na games sa qualifying window.
“Tuloy pa rin (ang PBA during the FIBA window),” sabi ni PBA Chairman Ricky Vargas.
“The PBA will not stop,” dagdag ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Al Panlilio, na siya ring team governor ng Meralco Bolts.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, habang idinadaos ang FIBA window sa Big Dome sa Quezon City, ang PBA ay lilipat sa Ynares Center sa Antipolo.
“Nakipag-usap na nga kami kay ex-Mayor and Governor Junjun Ynares,. Nag-inspection na rin tayo two days ago. Baka Ynares Antipolo tayo and Araneta (ang venues),” ani Marcial.
Nagkasundo rin ang PBA na i-adjust ang iskedyul ng TNT Tropang Giga dahil ilang miyembro ng koponan ay maglalaro para sa Gilas sa FIBA window. CLYDE MARIANO