NANANATILI ang Philippine Basketball Association (PBA) bilang pinakasikat na sports program sa bansa, na may halos isang milyong viewers kada laro, ayon sa datos mula sa US media research group Nielsen.
Nirebyu ang mga numero mula sa nakaraang season bilang paghahanda para sa susunod, natutuwa ang mga opisyal ng PBA na makita ang dominant numbers na iprinisinta ng kanilang broadcast partners TV5 at Cignal TV, at kinumpirma ng Nielsen.
“Nakakatuwa at nakakataba ng puso,” sabi ni PBA commissioner Willie Marcial sa ratings na iprinisinta sa unang session ng PBA annual planning meeting sa Swissotel Nankai sa Osaka, Japan noong Sabado.
Kumpleto ang mga miyembro ng PBA board, sa pangunguna nina chairman Ricky Vargas ng TNT, vice chairman Bobby Rosales ng Terrafirma at treasurer Raymond Zorrilla ng Phoenix Fuel.
Naroon din sina Erick Arejola ng NorthPort, Archen Cayabyab ng Converge, Alfrancis Chua ng Barangay Ginebra, Ronald Dulatre ng NLEX, Mamerto Mondragon ng Rain or Shine, Robert Non ng San Miguel Beer, William Pamintuan ng Meralco, Rene Pardo ng Magnolia at Silliman Sy ng Blackwater kasama sina deputy commissioner Eric Castro, head of finance Odessa Encarnacion, head of marketing Jo Francisco, legal counsel Atty. Ogie Narvasa at Michelle Flores ng social media.
Sina TV5 president/CEO Guido Zaballero, CignalTV president/CEO Jane Basas at CignalTV first vice president for channels and content management Sienna Olaso ang nagsagawa ng presentation.
Base sa numero ng Nielsen, ang PBA ay humakot ng 975,520 average viewers per game sa unang anim na buwan ng 2024, kumpara sa 313,040 para sa PVL, 218,400 para sa UAAP, 218,400 sa NBA at 145,600 para sa MPBL.
At sa parehong panahon, 14 sa 20 top sports programs (nakakuha ng pinakamataas na ratings) ay PBA games.
Ang most viewed ay ang Game 6 ng Meralco-San Miguel Philippine Cup title showdown na nakakuha ng 2.16 million viewers, sumunod ang Game 3 ng parehong series na may 2.06 million.
Ang iba pang sports programs na nasa top 20 ay ang mga laro sa kamakailan lamang na AVC Challenge Cup na nagtatampok sa Alas Pilipinas. Pangatlo ang laro ng Alas kontra Kazakhstan at pang-apat ang laro ng national volley belles sa kanilang Chinese counterparts.
Sa kabuuan, ang average viewers ng PBA ay tatlong beses na mataas sa PVL at limang beses na mataas sa UAAP at NBAz
Pagkatapos ay nariyan ang malaking hits ng PBA sa social media.
Gayunman ay target ni Chairman Vargas at ng buong PBA board na paghusayin ang kanilang in-venue programs para bigyan ang PBA fans ng mas magandang watching experience.
“While it’s good to see these ratings, we want to bring the fans in the venue. We’re aiming to enhance fan experience at the start of the season,” sabi ni Vargas.