Mga laro ngayon:
(Ynares Center Antipolo)
4:30 p.m. – Blackwater vs Meralco
7:30 p.m. – TNT vs Rain or Shine
DALAWANG araw makaraang palakasin ang kanilang lineup sa pagkuha kay Brandon Ganuelas-Rosser, sisimulan ng TNT ang kanilang kampanya sa ilalim ni returning coach Chot Reyes, sa pagsagupa sa Rain or Shine sa 7:30 p.m. mainer ng PBA Philippine Cup opening twin bill sa Ynares Sports Center sa Antipolo ngayong Miyerkoles..
Isa itong kapana-panabik na bakbakan sa pagitan ng dalawang koponan na nagkaroon ng pagbabago sa kanilang lineup sa mid-season break.
Habang ipinamigay ng TNT sina Justin Chua at Jaydee Tungcab upang bigyang-daan ang pagpasok ni Ganuelas- Rosser, pinakawalan naman ng Elasto Painters sina James Yap at Rey Nambatac, nagpapakita na nakahanda silang sumugal sa kanilang young guns, na kinabibilangan nina Anton Asistio, Gian Mamuyac, Leonard Santillan, Shaun Ildefonso at Andrei Caracut.
Siyempre ay sasandal pa rin si coach Yeng Guiao kay Beau Belga para sa board work, gayundin kina Keith Datu, Jhonard Clarito, Gabe Norwood at Mark Borboran.
Bigo ang Elasto Painters na makausad sa semifinals sa nakalipas na Commissioner’s Cup, subalit nakakita ng liwanag sa kanilang mainit na turnaround mula sa 0-5 simula sa torneo.
Nakuha pa nila ang No. 7 seeding sa playoffs at binigyan ng magandang laban ang eventual champions San Miguel Beermen sa kanilang quarters matchup bago tumukod sa huli, 127-122.
Para kay Guiao, ang kanilang Commissioner’s Cup performance ay nagpapakita lamang sa maaari pa nilang ilabas sa mga susunod nilang laro.
Samantala, muntik nang hindi makapasok sa playoffs ang TNT na may 5-6 kartada dahil sa health issues, kabilang ang injuries na tumama kina Jayson Castro at import Rondae Hollis-Jefferson.
Subalit nakakita ng pag-asa ang Tropang Giga sa kanilang emerging stars, partikular si Calvin Oftana, isang key stalwart maging sa national team.
Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay masusubukan ang pinalakas na lineup ng Blackwater sa pagharap sa Meralco.
Hindi katulad ng Bossing na nagkaroon ng malaking pagbabago makaraang tumapos na pangalawa sa kulelat sa Commissioner’s Cup, ang Bolts ay magpaparada ng parehong local lineup na umabot sa quarterfinals ng season-opening tourney.
Bukod dito, ang Meralco ay sasalang na kumpleto ang lineup at walang anumang injury.
Sa kabila nito ay magiging maingat pa rin si Bolts coach Luigi Trillo sa pagharap sa laro. “We have to be on our toes, kasi ang mga teams na iyan matataas ang kumpiyansa starting out a conference,” aniya.
“Wala pa silang pressure, ‘di pa sila na-da-down, eh,” dagdag ni Trillo. “Kumbaga, buo pa kumpiyansa nila.”
Tunay ngang kumpiyansa si Blackwater coach Jeff Cariaso sa bagong lineup ng koponan. “I’m very optimistic, very positive,” aniya.
Nasa Bossing na ngayon sina two-time MVP James Yap, Rey Nambatac, Justin Chua at Jaydee Tungcab kapalit nina Baser Amer, Ato Ular, Gab Banal, Rashawn McCarthy at Yousef Taha.
“Happy kami sa composition ng team, sa lineup,” dagdag ni Cariaso. “It’s now about moving forward, learning about each other more and improving as a team.”
CLYDE MARIANO