PBA REFEREE PINAUWI DAHIL SA PALPAK NA TAWAG

on the spot- pilipino mirror

NAPAUWI nang wala sa oras si referee Sherwin Pineda ni PBA Kume Willie Marcial matapos na ma-review na mali ang itinawag nito sa game ng NorthPort Batang Pier kontra Rain or Shine Elasto Painters, 70-68.

Tinawagan ni Pineda si Paolo Taha ng Batang Pier sa drive ni Rey Nambatac ng ROS, may 1.3 segundo ang nalalabi sa last quarter ng laro na ikinapanalo  ng Elasto Painters  noong Linggo.

Isa si referee Pineda sa mga mahusay tumawag sa liga.  Siyempre, hindi maiiwasan ang magkamali,  tao lang. Pero dapat sana ay hindi na inanunsiyo ang pangalan ni ref Sherwin upang maiwasan ang maraming magba-bash sa kanya. Hindi sa ipinagtatanggol natin si ref, dapat ay pinangalagaan din ang kanyang pangalan ng liga. Nandoon na tayo, nakitang nagkamali siya sa pagpito at napatunayang nagkamali ito, puwede bang bawiin ang tawag niya sa NorthPort? ‘Yun lang naman ang masasabi ng On the Spot.

o0o

Marami na ang nag-aabang sa pagbabalik-laro ni Calvin Abueva, lalo na yaong fans niya. Kung hindi bukas ay sa Biyernes ay paglalaruin na si Abueva sa kampo ng Phoenix Super LPG Fuel Masters. Ibinigay na ng GAB ang kanyang lisensiya sa paglalaro, lahat naman ay nagawa ng player katunayan nga ay isinama na siya sa lineup ng team kahit wala pang kasiguruhan kung kailan talaga siya paglalaruin.

Sa mga hindi nakakaalam, ang lola ni Calvin na si Lola Siony ay number one fan ni Abueva na naghihintay sa pagbabalik ng apo nitong makapaglaro. Si Lola Siony ay na-stroke, tumabingi ang  bibig. Sana naman ay makatulong sa mabilis na re-covery ni lola kapag nakita niyang naglalaro na ulit si Calvin. Good luck, Calvin.

o0o

Ang bilis talaga ng panahon, parang kailan lang ay nakakaisang buwan na pala ang unica hija ni LA Tenorio. Malamang ay miss na miss na ni

‘Ironman’ ang kanyang baby girl. Ang Brgy Ginebra ngayon ay nakakatatlong panalo na. Umaasa si Tenorio na kahit ku-lang sila sa matangkad ay lalaban sila nang sabayan para ang inaasam-asam na kampeonato ay magkaroon ng katuparan.

@@@

Wala na nga si June Mar Fajardo sa team ng San Miguel Beer, nabawasan na naman sila ng tao na kailangan na kailangan pa naman  ni coach Leo Austria. Hindi na makapaglalaro sa buong conference si Terrence Romeo na nadale ang balikat. Ayon kay Dr. Canlas, PBA doctor, dislocated shoulder ang naging injury ni Romeo.  Bagaman wala si Terrence noong Monday laban sa Terrafirma Dyip ay nanalo ang Beermen. Get well soon kay Terrence.

Comments are closed.