INATASAN ng Philippine Basketball Association (PBA) ang mga koponan nito na itigil ang pagsasagawa ng mga aktibidad, kabilang ang pagpapraktis at scrimmages, sa susunod na dalawang linggo bilang bahagi ng precautionary measure ng liga laban sa COVID-19.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, nagpadala na siya ng memo sa lahat ng koponan na ihinto ang pagpapraktis sa gitna ng COVID-19 outbreak.
“Kinausap ako ng mga governor na itigil muna,” wika ni Marcial. “Sila na ang nag-initiate.”
Muling pag-aaralan ng liga ang sitwasyon matapos ang March 27, at sinabi ni Marcial na kapag hindi bumuti ang sitwasyon ay kakailanganin nilang i-extend pa ang season.
“Baka April (2021) na tayo matapos,” pag-aamin niya.
Inanunsiyo ng PBA noong Miyerkoles ang suspensiyon sa mga laro “until further notice” dahil sa COVID-19 outbreak. Ang lahat ng events ng liga, kabilang ang All-Filipino Cup, PBA D-League Aspirants’ Cup, at ang nalalapit na PBA 3×3 tournament, ay ipinagpaliban.