KAKATAWANIN ng PBA teams San Miguel Beer, Blackwater at TNT Katropa ang bansa sa Terrific 12 tournament na magsisimula ngayon sa Tap Seac Multi-Sports Pavilion sa Macao.
Umalis kahapon ang Beermen, Elite at Texters patungong dating Portuguese territory para sa week-long meet na tatampukan ng siyam na iba pang koponan mula sa Chinese Basketball Association (CBA), Korean Basketball League (KBL), at J League of Japan.
Ang bawat koponan ay maaaring gumamit ng dalawang imports para sa event na inoorganisa taon-taon ng Asia League Limited.
Sasalang ang grand slam-seeking Beermen na pinalakas nina Desmine Wells at Lester Prosper, gayundin ni five-time PBA MVP June Mar Fajardo, sa main game sa alas-7 ng gabi sa opening day kung saan makakasagupa nila ang Zhenshen Aviators na pangungunahan nina 7-foot-2 former Chinese national team member Li Muhao at imports Pierre Deshawn at former NBA player Shabazz Nagee Muhammad.
Si Fajardo ay galing sa stint sa Gilas Pilipinas sa katatapos na FIBA World Cup sa China, kasama ang TNT Katropa duo nina Troy Rosario at Roger Pogoy.
Ang San Miguel ay nasa Group B, kasama ang Zhenshen at defending champion Ryukyu Golden Kings.
Sisimulan ng Blackwater ang aksiyon sa alas-3 ng hapon sa pagharap sa two-time KBL champion Seoul SK Knights. Ipaparada ng Elite bilang imports sina Marqus Blakely at Alex Stepheson, habang pangungunahan ang Knights nina Aaron Haynes at Jameel Warney, na sandaling naglaro para sa Dallas Mavericks.
Makakasama ng Elite at Knights sa Group A ang Chiba Jets.
Sa pangunguna nina dating NBA player KJ McDaniels at one-time Mighty Sports reinforcement McKenzie Moore, ang Katropa ay mapapalaban sa title con-tender Liaoning Flying Leopards.
Ang Leopards, dating CBA champions, ay pangungunahan nina Chinese national team members Guo Ailun at Zhao Jewel, kasam ang dalawang dating NBA players sa katauhan nina Lance Stepheson at Salah Mejri.
Sina Guo at Zhao ay bahagi ng Chinese team na naglaro sa FIBA World Cup, habang si Mejri ay key player ng Tunisia national team na binomba ang Gilas Pil-ipinas sa classification phase, 86-67.
Ang TNT, Liaoning, at Nigata Albirex Basketball ang magkakasama sa Group D.