SASALANG sa back-to-back games ang mga koponan at magkakaroon ng limang quadruple-headers sa pagpapatuloy ng PBA Philippine Cup sa bubble nito sa Clark, Pampanga.
Ang mga larong nakatakda para sa October 30 at 31, at November 1 at 2 ay kinansela habang nirerepaso ng liga ang protocols nito.
Inanunsiyo ng PBA noong Sabado na magbabalik ang aksiyon sa Martes, November 3, na may ipatutupad na bagong protocols na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Magkakaroon ng apat na games sa Martes: Blackwater vs. San Miguel, Phoenix Super LPG vs. TerraFirma Dyip, NorthPort vs. TNT Tropang Giga, at Barangay Ginebra vs. Alaska.
Apat sa mga koponan na ito ang muling maglalaro kinabukasan para sa isa pang quadruple header: Rain or Shine vs. NLEX, Blackwater vs. Meralco, Magnolia vs. TNT Tropang Giga, and NorthPort vs. Barangay Ginebra.
May nakalinya pang tatlong quadruple headers at dalawang triple headers, kung saan matatapos ang elimination round sa November 11.
Bilang bahagi ng health measures nito, sinabi ng liga na kukumpletuhin ng COVID-19 positive Blackwater player, na nag-negatibo sa antigen at RT-PCR test, ang 10 araw na isolation mula sa araw na sumailalim siya sa swabbing bago muling makapaglaro.
Ang iba pang bagong measures na ipatutupad ay ang pagkumpleto sa 14-day quarantine at testing bago pumasok sa bubble ng lahat ng mag-popositibo; at ang pagtatalaga ng isang independent marshall na mangangasiwa at titiyak na sinusunod ang health at safety protocols, tulad ng inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Magkakaroon din ang liga ng hiwalay na temporary quarantine facility sa Clark Freeport Zone. CLYDE MARIANO
Comments are closed.