IGINIIT ng PBA ang suporta nito sa Gilas Pilipinas program, binigyang-diin na kailangan ang mas malakas na ugnayan sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang maipagpatuloy ang malaking pagsulong ng Philippine basketball na nakalipas na 12 buwan o higit pa.
Sa pakikipagtulungan ng liga sa national federation ng bansa para sa basketball, naniniwala si PBA Board Chairman Ricky Vargas na darating ang panahon at mababawi ng Pilipinas ang paghahari nito sa Asian caging.
Pinatunayan na ng Gilas Pillipinas ang puntong ito noong nakaraang taon nang mabawi nito ang gold sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China kung saan ginulantang nito ang host country sa semifinals makaraang maghabol ng hanggang 20 points, bago tinalo ang Jordan sa championship.
“It’s doable that we can do this. And we think we can if we work together,” sabi ni Vargas, binigyang-diin na ang suporta ng PBA sa national team ay kabilang sa iba pang bagay na tinalakay ng board sa planning session nito kamakailan sa Osaka, Japan.
“So puwede. The team has decided to approach the SBP and offered our services, and opened up the discussion again on a more robust program for the SBP.”
Ang Pilipinas ay kasalukuyang ranked no. 37 sa FIBA rankings, sa ilalim ng Jordan (no. 32), China (no. 29), at Iran (no. 28), tatlong koponan na ginapi ng Gilas Pilipinas sa Asiad.
“Hindi lang kasi counted ‘yung Asian Games (in FIBA rankings). Pero sa Asian Games, no. 1 tayo,” ani Vargas.
At kamakailan lamang sa Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia, ginulantang ng Gilas Pilipinas ang world no. 6 Latvia, 89-80, at natalo sa Georgia (no. 23), 96-94.
Nagpatuloy ang Pilipinas at yumuko sa no. 12 Brazil sa semis, 71-60, matapos lumamang sa halos buong first half.
Sinabi ni Vargas na ang resulta ng mga kampanyang iyon ay dahil sa masiglang working relationship sa pagitan ng PBA at SBP.
“A strong Gilas team benefits the PBA. We have recognized that. And a strong PBA benefits Gilas. So it’s mutually beneficial to all,” pahayag ng long-time board chairman.
CLYDE MARIANO