PBA WOMEN’S 3X3 MAGBABALIK

MATAPOS mawala ng pitong taon ay magbabalik ang women’s 3×3 tournament ng PBA.

Anim na koponan, kabilang ang dalawang Gilas squads, ang sasabak sa Invitational WPBA 3×3 na lalarga sa Enero 22.

Ang single round eliminations ay lalaruin sa game days ng men’s PBA 3×3 Season 3 Third Conference na idinadaos tuwing Lunes at Martes.

” We will include the women’s eliminations in the remaining Legs of the PBA 3×3 Season 3 Third Conference,” sabi ni PBA deputy commissioner Eric Castro.

Ayon kay Castro, ang top four teams sa pagtatapos ng 15-game eliminations ay uusad sa crossover, knockout semifinals. Ang finalists ay maghaharap sa championship via winner-take-all.  Kabilang din sa six-team field ang Uratex Dream, Angeli’s Resort, Philippine Navy at Philippine Air Force.

Unang inilunsad ng liga ang women’s half-court game noong 2016 sa panahon ni noo’y commissioner Chito Narvasa. Tumagal ito ng isang season.

Noong mga panahong iyon, ang lahat ng 12 member ball clubs ay kinatawan. Nagwagi ang Blackwater sa Philippine Cup, NLEX sa Commissioner’s Cup at ang GlobalPort sa ­Governors’ Cup.