IDARAOS ng PBA Press Corps ang traditional Awards Night nito nang face-to-face sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong taon, sa Hunyo 21 sa Novotel Manila Araneta Center.
Siyam na individual awards ang ipagkakaloob sa mga kuminang sa Season 46 ng liga, kabilang ang coveted Coach of the Year plum.
Sina Barangay Ginebra’s Tim Cone at Chot Reyes ng TNT Tropang Giga ang naglalaban para sa pinakamataas na award na ipinagkakaloob sa mga coach at ipinangalan kay late great Virgilio ‘Baby’ Dalupan.
Huling idinaos ng PBAPC ang awards night nito noong 2019 sa 25th anniversary ng annual event bago pumutok ang global pandemic at kanselahin ang event noong 2020.
Noong nakaraang taon, isang special edition ng gala night ang idinaos virtually, kung saan pinarangalan si Cone bilang Outstanding Coach sa pagwawagi sa Philippine Cup sa nag-iisang conference ng liga sa 2020 season na idinaos sa unang pagkakataon sa isang bubble setup.
Bukod sa Coach of the Year, igagawad din ang awards sa Executive of the Year, Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes, at Bogs Adornado Comeback Player of the Year.
Ang iba pang honorees ay ang All-Rookie Team, Scoring Champion, at Order of Merit, na ibinibigay sa indibidwal na tumanggap ng pinakamaraming Player of the Week honor na ipinagkakaloob ng Press Corps.