NAGING epektibo si Terrence Romeo sa kanyang bagong papel sa San Miguel Beer sa unang season pa lamang niya sa koponan, dahilan para gawaran siya ng special citation sa 2019 PBA Press Corps Awards Night sa March 16 sa Novotel Manila sa Araneta City.
Ang fancy guard ang tatanggap ng Mr. Quality Minutes award mula sa grupo ng mga sportswriter na regular na nagko-cover sa PBA beat dahil sa pagbibigay ng malaking tulong mula sa bench para sa Beermen.
Ang gawain ay ibang-iba sa naunang papel ni Romeo bilang starter para sa mga koponan ng NorthPort at TnT Katropa.
Subalit maluwag na tinanggap ng three-time scoring champion ang trabaho at naging instrumento sa pagwawagi ng Beermen ng kampeonato sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Si Romeo ang napiling Finals MVP ng mid-season conference.
Samantala, pangungunahan ni CJ Perez ng Columbian Dyip ang All-Rookie team, habang ang classic do-or-die encounter sa pagitan ng NorthPort at ng NLEX sa Governors’ Cup quarterfinals ang gagawaran ng Game of the Season award sa okasyon na handog ng CIGNAL TV.
Si Perez, ang 2019 Rookie of the Year, ay sasamahan sa rookie squad nina NorthPort’s Robert Bolick, Javee Mocon ng Rain or Shine, TnT Katropa’s Bobby Ray Parks, at Abu Tratter ng Alaska.
Pagkakalooban din ang Columbian Dyip guard ng Scoring Champion title.
Ang Batang Pier-Road Warriors match noong Nov. 27 para sa isang puwesto sa semifinals ang kikilalanin naman bilang ‘best game played’ sa nakaraang season ng PBA.
Ang laro ay nauwi sa triple overtime kung saan sinilat ng no. 8 NorthPort ang top seeded NLEX.
Isa ito sa highest watched games noong nakaraang taon sa pagtala ng 1.5 million online views at nahigitan lamang ng 3.5 million views na naiposte ng Game 2 ng Governors’ Cup finals sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng Meralco.
Comments are closed.