MATAPOS ang mabagal na simula sa PBA bubble, nabuhay ang Meralco at Alaska sa tulong ng isang veteran guard at ng isang rookie big man.
Mula sa 1-2 simula, naitala ng red-hot Bolts ang unbeaten second week run sa pagsandal sa maiinit na kamay ni Chris Newsome habang ang Aces ay sumandig kay freshman Barkley Eboña upang makabangon mula sa 0-2 pagkakabaon.
Si Newsome ay may average na 20.5 points, 6.5 rebounds, 6.0 assists at 1.5 blocks sa mainit na linggo para sa Bolts na nagtala ng mala-laking panalo laban sa Magnolia at NLEX upang umakyat sa middle bracket ng standings sa kalagitnaan ng 2020 Philippine Cup restart.
Ang all-around play ng 30-year-old Fil-Am, na umiskor ng clutch jumper sa109-104 overtime win ng Meralco kontra Hotshots, ay nagbigay sa kanya ng Cignal TV-PBA Press Corps Player of the Week award para sa Oct. 19-26 period. Siya ang ikalawang player na nagkamit ng natur-ang parangal sa loob ng bubble matapos ni Roger Pogoy ng TNT.
Nagposte naman si Eboña, ang dynamic forward, ng average na 17.33 points, 4.0 rebounds, 1.3 assists, at 1.0 block sa tatlong laro para sa Aces upang tanghaling PBAPC Rookie of the Week.
Sina Newsome at Ebona ay kapwa ibinoto ‘unanimously’ para sa weekly citation na ipinagkakaloob ng mga miyembro ng media na nagko-cover ng PBA beat.
Si Newsome ay kumamada ng 23 points, 7 rebounds, 6 assists, at 2 blocks sa panalo ng Meralco laban sa Magnolia, bago ito sinundan ng 18-6-6 statsline sa 101-92 pagdispatsa ng Bolts sa NLEX.
Ipinasilip naman ng 6-foot-6 na si Eboña ang kanyang tunay na potensiyal kasunod ng breakout week para sa Aces, na kumarera sa 2-1 sa naturang weeklong stretch para sa 3-3 record.
Nagbuhos ang no. 4 overall pick mula sa FEU, na sinasanay ni Alaska deputy at two-time MVP Danny Ildefonso, ng career-best 24 points sa near-perfect 10-of-11 shooting sa runaway 120-82 win ng Alaska laban sa Blackwater, na ang coach na si Nash Racela ay college mentor ni Ebona.
Maging sa 88-92 pagkatalo ng Alaska konra reigning champion San Miguel ay nag-iwan ng marka si Eboña sa pagkamada ng 18 points sa 9-of-11 clip, 5 rebounds, isang steal at isang block sa 21 minuto lamang na paglalaro.
Comments are closed.