PCSO NAKAPAGBIGAY NG P157-M MEDICAL AID PARA SA JANUARY 2023

PCSO-3

UMAABOT sa 21,954 ang bilang ng mga Pilipino na natulungan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa pagbabayad ng kani-kanilang medical o hospital bills, na katumbas ng kabuuang halaga na P157 million na medical assistance na naipagkaloob ng ahensiya para sa Enero 2023.

Ayon sa PCSO, nasa P157,365,606.75 ang nailaan para sa pagpapatupad ng kanilang Medical Assistance Program sa loob ng nabanggit na buwan, kung saan kabilang dito ang fund augmentation para sa confinement, dialysis injection, cancer treatment, hemodialysis, laboratory, diagnostic, at imaging procedures, ang implant at medical devices, at iba pa.

“Patuloy po ang PCSO sa pagtupad sa mandato nitong tulungan ang ating mga kababayan na matustusan ang kanilang mga pangangailangang medikal at pangkalusugan,” pahayag ni PCSO Chairman Junie E. Cua.

“Makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy tayong gumagawa ng mga paraan upang mas marami pang Pilipino ang ating mapaglingkuran,” sabi pa ni Cua.

Ang PCSO, sa ilalim ng Office of the President, ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na nakatuon sa pagkakaroon at pagbibigay ng kinakailangang pondo para sa iba’t ibang health programs, medical assistance and services, at charities sa anyo ng pambansang katangian.

Ito ay lumilikha ng pondo upang magampanan ang mandato nito sa pamamagitan ng pagsasagawa at pamamahala ng sweepstakes, horse races, lotteries at iba pang katulad na gawain.

Nauna rito, nanawagan si Cua para mapababa ang documentary stamp tax (DST) rate na binabayaran ng PCSO, na mula sa kasalukuyang 20 percent ay gawin na lamang 10 percent; na kung mangyari, pagbibigay-diin ng PCSO chairman, ay magreresulta sa karagdagang P2 billion sa magiging kontribusyon nila sa Universal Health Care (UHC) kaya naman tiyak na mas maraming indigent patients ang matutulungan at direktang makikinabang.

Sa pagtapyas sa DST rate na ito, papalo sa 170 percent increase ang PCSO contributions, o mula sa P1.25 billion ay aakyat ito sa halos P3.4 billion ngayong taon, sabi pa ni Cua.

“The added contributions can fund 769,230 hemodialysis sessions for indigent diabetic patients considering that the Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) coverage rate per session is PHP 2,600,” ani Cua.

“Similarly, it can also help 125,000 indigent patients with severe dengue, with PhilHealth covering PHP 16,000 per case,” dagdag pa niya.