HINIHIKAYAT ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto games, upang makaipon ng pondo na ginagamit nila sa kanilang pagkakawang-gawa o pagtulong sa mga nangangailangang mamamayan.
Ang panawagan ay ginawa ni PCSO General Manager Royina Marzan-Garma kasunod ng pagkalugi ng ahensiya ng bilyon-bilyong piso sa loob ng apat na buwan na natigil ang kanilang lotto operations dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Aminado si Garma na malaki ang naging epekto ng mga lockdown sa kita ng PCSO, na siya aniya nilang ginagamit bilang charity fund.
Ayon kay Garma, bagamat nakapagpatuloy na silang muli ng operasyon noong Agosto 7 ay maliit lamang ang kanilang kinikita kumpara sa expected sales nila kada buwan.
Ipinaliwanag pa niya na kapag bumaba ang kanilang charity fund ay tiyak na bababa rin ang nire-remit nilang pondo para sa Universal Health Care, gayundin ang kanilang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at iba pa.
“Mula noong nag-resume kami noong August 7, kumikita kami pero umaabot lang ng average of 15% lang ang sales namin compared doon sa expected na sales namin monthly. Supposed to be kumikita kami ng almost more or less P2 billion ng lotto sales per month pero ngayon, umabot lang kami ng P350 million per month,” pahayag pa ni Garma, sa panayam sa telebisyon.
“So ‘pag bumaba ang charity fund, bababa ‘yong nire-remit namin sa Universal Health Care, contribution namin sa Philhealth, bababa din ‘yong mga shares ng mga pinagbibigyan namin na mandated kami magbigay,” aniya.
Umaasa naman si Garma na ngayong may tatlong bettor ang sunud-sunod na naging milyonaryo dahil sa pagtaya sa lotto ay darami pa ang mga Pinoy na magiging interesado muling tumaya sa kanilang mga palaro.
“Sana hindi lang ‘yong mga mahilig pong tumaya para suwertihin, ‘yong mahilig din sanang tumulong, bahala na kung suwertehin o hindi ay tumaya na rin sana ng lotto for the sake lang po na ‘yong pera mapupunta po sa charity naman,” panawagan pa niya.
Matatandaang noong Setyembre 3, isang bettor mula sa San Fernando, La Union ang nakakuha ng mahigit sa P49.7 milyong jackpot prize sa 6/42 Regular Lotto habang Setyembre 6 naman nang mapanalunan ng isang taga-Quezon City ang may P339 milyong jackpot prize ng 6/58 UltraLotto, habang nitong Setyebre 7 ay napanalunan ng isang taga-Marikina ang jackpot prize na P24 milyon ng 6/45 MegaLotto. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.