PCSO NAMIGAY NG P137M TULONG MEDIKAL PARA SA 18,144 NA PASYENTE PARA SA BUWAN NG ABRIL 2022

Mandaluyong City. Bilang bahagi ng mandato na tumulong at magbigay ng kaukulang pondo para sa mga programang pangkalusugan ng bansa, ang ahensiya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay nagbibigay ng mga ayudang medikal sa pamamagitan ng Medical Access Program o (MAP) kilala din sa dating tawag na Individual Medical Assistance Program o (IMAP) na ang pangunahing layunin ay tulungan ang mga Pilipino sa kanilang pangangailangang medikal gaya ng Hospital Confinement, Erythropoietin (Dialysis Injection), Cancer Treatment (Chemo Drugs & Radiation Therapy), Specialty Medicines (Hemophilia, Post Kidney Transplant Medicines, Rheumatoid Arthritis, Anti-Lupus, Immunocompromised Disease, Psoriais, Orphan Diseases, Idiophatic Thrombocytopenic Purpura – ITP, Thalassemia and Neuro-Psychiatric) at iba pa. Trenta-porsiento (30%) ng kabuuang kita ng tanggapan ay inilalaan sa Charity Fund kung saan ito ay ginagamit sa mga programa para sa kawanggawa kasama na ang pantulong sa programang medikal.

Sa buwan ng Abril 2022 ang PCSO ay namahagi ng halagang Php 137,434,526.50 bilang tulong medikal para sa 18,144 na mga kwalipikadong pasyente sa buong Pilipinas.

Nagmula sa Northern and Central Luzon Department (NCL) ang may pinakamataas na halagang naibigay, Php34,894,525.29 para sa 4,636 na katao. Sinundan ito ng Southern Tagalog and Bicol Region Department (STBR) na may halagang Php29,307,535.16 para sa 4,748 na pasyente. Pumapangatlo naman ang National Capital Region Department (NCR) na nakapagbigay ng halagang Php27,679,218.53 para sa 2,121 na humingi ng tulong. Samantalang ang Visayas Department naman ay may Php24,653,691.79 na ibinahaging tulong para sa 3,398 na pasyente. Ang may pinakamaliit na naipamahaging tulong ay mula naman Mindanao Department, namahagi lamang sila ng Php20,899,555.73 para sa 3,241 na katao.

Mula sa kabuuang halaga, ang halagang Php82,131,968.48 ay naibigay sa 8,248 katao na nangangailangan ng pagpapaospital o Hospital Confinement. Namahagi din ng tulong medikal para sa mga pasyenteng may kanser. Nagbigay ang PCSO ng halagang Php17,614,544.50 para sa Chemotherapy ng 1,831 na pasyente at Php1,290,945.00 para naman sa Radiation Therapy ng 86 na pasyente. Ang halagang Php27,928,825.67 naman ay ginamit sa pagda-dialysis ng 7,103 na pasyente.

Namahagi din ng halagang Php2,024,900.00 para sa implant ng 58 na pasyente, idagdag mo pa ang halagang Php4,095,586.09 para naman sa 620 na nagpa-laboratoyo (laboratory procedures) at halagang Php19,991.50 para sa 4 na pasyente na naggagamot at nagpatingin sa Neuro-Psychiatrist.

Ang PCSO ay nagkaloob din ng iba’t-ibang klase ng gamot sa halagang Php305,900.00 para sa 13 katao. Post-Transplant medicines na nagkakahalaga ng Php1,215,258.14 ibinigay sa 107 na katao, Php270,016.00 para sa 36 na pasyente na may Hemophilia. Nagbigay din ng Php207,170.00 nagkakahalagang gamot para sa 14 pasyente na may Idiopathic Thrombocytopenic Purpara (ITP). Apat (4) na pasyente naman ang may sakit na Psoriasis ang nabigyan ng halagang Php84,310.00 para sa kanilang sakit. Gamot na nagkakahalaga ng Php151,030.00 para naman sa 14 na katao na may sakit na Lupus at halagang Php94,081.12 para naman sa 6 na pasyenteng may sakit ng Rheumatoid Arthritis.

Samantala Tiniyak ni PCSO Vice Chairperson and General Manager Royina Marzan Garma na gagawin ang lahat para mapataas ang benta ng mga laro at produkto ng PCSO para sa tuloy-tuloy na pagtulong ng ahensiya sa publiko, “Hinihikayat ko ang mamamayang Pilipino na tangkilikin ang lahat ng lotto games kasama na ang STL games para makaipon ang PCSO ng pondong maipantutulong sa mga nangangailangan lalo na sa tulong medikal.”

Para sa mga nagnanais humingi ng tulong medikal sa PCSO ay mangyari lamang na bisitahin ang PCSO website www.pcso.gov.ph at basahin ang proseso gayundin ang mga kinakailangang dokumento.

Pinapaalalahanan din ang publiko na bawal na ang walk-in applicants sa PCSO Main Office bagkus sila ay inaabisuhan na mag-apply online sa nasabing website o magpasa ng mga kinakailangang dokumento sa mga Malasakit Centers ng mga pampublikong ospital.