PCUP NAGHANDOG NG DRRM CARAVAN SA BUONG BANSA

Alvin Feliciano

BILANG pakikiisa sa selebrasyon ng Fire Prevention Month at paglalahad ng paunang tugon sa mga nagaga­nap na unos tulad ng sunog, bagyo at lindol, ay isang serye ng Disaster Resilience Caravan ang inihandog ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa buong bansa.

Isa sa mga lugar na binisita ng PCUP upang isagawa ang nasabing aktibidad ay ang bayan ng Puerto Princesa sa Palawan na dinaluhan ng halos 1000 residente nito. Matatandaan na isa ang Puerto Princesa sa mga napinsala ng Bagyong Odette na tumama sa bansa noong nakaraang taon.

Ayon kay PCUP Chairperson at CEO, Undersecretary Alvin S. Feliciano, parte ang semi­nar-workshop sa layunin ng Komisyon na mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga maralitang tagalungsod, partikular sa mga usapin ng disaster preparedness at disaster mitigation na pawang mga napapanahong isyu sa kasaluku­yan.

Kabilang sa  highlights ng nasabing caravan ay ang Disaster Risk Reduction Management (DRRM) training at orien­tation tulad ng pag-iwas sa iba’t ibang sakit, kung paano gumamit ng fire extinguisher, ano ang mga hakbangin bago, habang at pagkatapos ang sakuna, at marami pang iba.

Maliban naman sa Palawan, ay umikot din ang PCUP sa ilang lungsod at bayan sa bansa tulad sa Arkong Bato sa lungsod ng Valenzuela na nito lamang Marso 13 ay nakaranas ng isang residential fire na nakapinsala sa halos 500 pamilya at ari-arian.

Ani Usec. Feliciano, “Edukasyon at preparasyon, iyan ang dalawang salita na dapat na isinasabuhay ng ating mga maralitang tagalungsod upang maiwasan at kahit papaano, ay maibsan ang dalang panganib at takot ng kahit anumang sakuna na darating sa bansa.”

“Kung kaya’t umaasa kami na sa simpleng inisyatiba namin tulad ng DRRM caravan na ito, ay magkaroon sila ng impormasyon na makakatulong sa kanila, na ma-survive ang lahat ng delubyo na darating sa kanilang buhay”, dagdag ni Usec. Feliciano.

Bukod sa information drive ay naghandog din ang Komisyon ng basic supply kits na kinapapalooban ng health at hygiene kits, maging ng grocery packs at ready-to-eat meals.

Para naman sa iba pang caravan ng PCUP, panatilihing updated sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa official Facebook page nito na @PCUPOfficial. BENEDICT ABAYGAR, JR.