AABOT sa P592 milyon ang halaga ng shabu na nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nito lamang Enero 2023 sa ilalim ng pinaigting na kampanya laban sa droga ng administrasyon.
Sa Operational Assessment Report nito na may petsang Enero 2023 na ipinasa sa Malacañang, sinabi ng PDEA na bukod sa multi-milyong pisong huli ng illegal narcotics, nakaaresto rin ito ng 4,499 drug personalities at nagsampa ng 7,720 na kaso ng droga.
Kabilang sa malalaking ilegal na droga na nasamsam sa operasyon ng PDEA ay shabu (methamphetamine hydrochloride) na nagkakahalaga ng P403.4 milyon; cocaine powder, P15.9 milyon; ecstasy tablet, P9.9 milyon; kush, P19.8 milyon at milyulon-milyong halaga ng marijuana, ladrilyo, halaman, at tangkay.
Sinabi ng PDEA sa ilalim ng kanilang Barangay Drug Clearing Program, 26,952 barangay, o 64.1 porsyento ang idineklarang drug-free mula sa 42,046 barangay sa buong bansa.
May 8,585 barangay o 20.4 porsiyento ang nananatiling apektado ng droga, kung saan ang Metro Manila ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng apektado ng droga na may 53.9 porsiyento.
Ang MIMAROPA o Region 4B ang may pinakamababa na may 2.8 porsiyento.
Sa kabuuang bilang ng mga barangay drug-free, may kabuuang 6,109 noong Enero 2023, na karamihan ay mula sa Eastern Visayas na may 1,380 barangay.
Ang shabu at marijuana ang dalawang pinaka- inaabusong droga sa bansa, na may 4,258, o 94.6 porsiyento ng mga naaresto ay may kinalaman sa shabu, habang 240 o 5.3 porsiyento ay may kaugnayan sa marijuana.
Pinaigting ng mga awtoridad ang kanilang pagbabantay at pagsubaybay sa mga paliparan, daungan, gayundin sa mga serbisyo ng koreo at parsela upang maiwasan ang pagpuslit ng mga ilegal na droga. EVELYN QUIROZ