NANAWAGAN si PDP Laban President at Energy Secretary Alfonso Cusi ng pagkakaisa sa lahat ng mga nagsilahok sa halalan upang maisulong ang magandang kinabukasan ng bansa.
Sa ginanap na pulong balitaan ng PDP sa B-Hotel sa Quezon City, binati rin ni Cusi ang kaalyadong tandem nina President-elect Bong Bong Marcos at Vice President-elect Sara Duterte sa pagkakapanalo at maging ang nag-iisa sa anim na kandidato ng PDP-Laban, na si Robin Padilla na siyang nag-number 1 sa pagka-senador
Bukas din ang kalihim sa muling pag-uusap at pagsasama ng nagkahiwalay na faction ng kanilang partido kabilang ang grupo ni Senador Koko Pimentel at Manny Pacquiao.
Dagdag pa ni Cusi na ang lahat ng programa ng paalis na Pangulong Duterte ay posibleng maipagpatuloy ni BBM na siyang naging basehan ng PDP-Laban para gawing kandidato ng kanilang partido.
Sa usaping pederalismo, nasabi ni Cusi na maaari nang isulong muli ang ganitong uri ng pamahalaan sa bansa upang lalong umunlad ang Pilipinas at pangungunahan ito ni Padilla at iba pang PDP-Laban na mambabatas na nanalo ngayong eleksiyon. BENEDICT ABAYGAR, JR.