PELICANS NALAMBAT NG NETS 

NETS 

TUMIRADA si D’Angelo Russell ng 22 points at 13 assists, at nagtarak ang  Brooklyn Nets ng malaking kalamangan na may 73-point first half upang malusutan ang pagbabalik ni Anthony Davis, sa 126-121 pagdispatsa sa New Orleans Pelicans noong Miyerkoles ng gabi sa New York.

Tumapos si Davis na may 34 points at career-high 26 rebounds makaraang lumiban ng isang laro, subalit walang sapat na rebounds sa first half, kung kailan nagposte ang Nets ng 24-point lead sa highest-scoring first half sa home sa loob ng 17 taon.

Nagdagdag si Joe Harris ng 21 points para sa Nets, na kumamada ng 105 points sa loob ng tatlong quarters, pagkatapos ay nakakuha ng magkasunod na baskets mula kay Harris nang tapyasin ng New Orleans ang kalamangan sa pito, wala nang limang minuto ang nalalabi.

Umiskor si Elfrid Payton ng 25 points para sa New Orleans sa kanyang ikalawang laro mula sa mahigit isang buwang pagkawala dahil sa broken finger. Nagdagdag sina Julius Randle ng 21 at Jrue Holiday ng 20.

THUNDER 107, LAKERS 100

Sa Los Angeles, nagbuhos si Paul George ng 37 points upang pangunahan ang Oklahoma City laban sa Los Angeles.

Nakalikom si Russell Westbrook ng 14 points, 16 rebounds at 10 assists sa kabila ng 3-for-20 shooting,  subalit ang fellow Southern California native ang naging sentro ng atensiyon sa pagbisita ng Thunder sa Lakers.

CELTICS 115,

TIMBERWOLVES 102

Sa Boston, bumanat si Gordon Hayward ng season-high 35 points mula sa bench upang pagbidahan ang Celtics kontra Minnesota.

Naitala ni Terry Rozier ang 11 sa kanyang 16 points sa first quarter habang nasa kanyang third start sa season.

Gumawa si Andrew Wiggins ng 31 points, at naiposte ni Karl-Anthony Towns ang 20 sa kanyang  28 points – at nahablot ang lima sa kanyang 12 rebounds – sa third quarter,  nang matapyas ng Minnesota ang 22-point deficit sa anim na puntos.

MAVERICKS 122, HORNETS 84

Sa Charlotte, North Carolina, sinindihan nina Luka Doncic at Dennis Smith, Jr. ang maagang long-range shooting spree at ginapi ng Dallas ang Charlotte upang putulin ang nine-game road skid.

Kumamada sina Doncic at Smith ng tig-18 points, at nagdagdag si Harrison Barnes ng 17.  Naisalpak ng Mavericks ang 10 first-quarter 3-pointers – tatlo mula kay Doncic at dalawa kay Smith – at tumapos na may 18.

Nanalo ang Dallas sa unang pagkakataon sa road magmula noong Nob. 28. Sumalang ito sa laro na may NBA-worst 2-16 road record, kumpara sa 15-3 sa home.

Nakakolekta si Dwight Powell ng 15 points, umiskor si Wesley Matthews ng  11, at nag-ambag si DeAndre Jordan ng 8 points at 13 rebounds. Nagdagdag sina Doncic ng 10 rebounds at Smith ng 7 assists.

Nanguna si Kemba Walker para sa Charlotte na may 11 points.

Sa iba pang laro: 76ers 132, Suns 127; Heat 117, Cavaliers 92; Wizards 114, Hawks 98;  Pistons 101, Grizzlies 94; Magic 112, Bulls 84.

Comments are closed.