ILALABAS ng Bureau of Immigration (BI) ang order of deportation laban kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton bago payagang makalabas sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, hiniling niya kay Director Gerald Bantag ng Bureau of Correction (BUCOR) na i-turn over si Pemberton sa kanilang opisina , pagka-release nito, upang ma-implement ang immediate departure nito.
Dagdag pa ni Morente trabaho o mandato ng Immigration ang pagpapatupad ng summary deportation order bago makalabas ang isang dayuhan partikular na ang undesirable alien.
Matatandaan na nagpalabas ang BI Board of Commissioner ng BI noong Setyembre 16, 2015 laban kay Pemberton hinggil sa pagiging undesirable alien nito.
Sinabi pa ni Morente sa kabila ng pagkakaloob ni Pangulong Rodrigo Duterte ng executive clemency kay Pemberton dadaan pa rin ito sa tamang proseso bago makalabas ng bansa.
Ang kahilingan ng BI sa BUCOR na i-turn over si Pemberton ay upang madaling matapos ang deportation proceedings laban sa Amerikanong ex-convict.
Ito ang standard operating procedure ng BUCOR na i-turn over sa kanilang opisina ang isang dayuhan matapos magdusa sa loob ng kulungan sa ipinataw na sentensiya ng korte bago pauwiin sa kanyang lugar.
Hinihintay ng BI ang kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra bago ipatupad ang deportation order bilang pagsunod sa kautusan ng batas.
Ayon naman kay Atty. Arvin Santos, hepe ng BI Legal Division , ang mga alien na nakahanay para sa deportation ay kinakailangang magsumite ng clearances na galing sa National Bureau of Investigation (NBI) at regional trial court bilang pagpapatunay na wala na siyang naka-pending na criminal o civil case sa Philippine court.
Matapos isumite ni Pemberton ang mga naturang clearances, agad na aayusin ang flight nito, at ito ay sasamahan ng BI security personnel papasok sa eroplano. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.