NAKAALIS na ng bansa si convicted killer US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton sakay ng US military C-130 plane na nag -aabang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon ng umaga.
Kinumpirma ng US Embassy at Bureau of Immigration (BI) na ilabas si Pemberton mula sa Camp Aguinaldo patungong NAIA.
Ayon kay Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI, eksakto alas-9:14 ng umaga nang umalis ang US military plane kung saan lulan si Pemberton.
Ito ay makaraang makumpleto umano ang final requirement para sa deportation ng convicted killer na napagkalooban ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.
Ang tuluyang pag-alis sa bansa ng 25-anyos na dating sundalo, isang araw matapos lumabas na ang resulta ng kanyang swab test kung saan negatibo naman ito sa COVID-19.
Nabatid ang nasabing test result na lamang ang hinihintay para ma-deport na ito.
Batay sa ulat, pasado ala-5 ng madaling araw inilabas si Pemberto mula sa detention facility sa Kampo Aguinaldo.
Magugunita, taong 2015 nang ma-convict si Pemberton sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jennifer Laude habang nasa motel sa Olongapo.
Kaugnay nito, inihayag naman ng Department of National Defense na magsasagawa sila ng pagrerebisa sa mga umiiral na kasunduan hinggil sa mga darating pang joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Amerika. VERLINRUIZ
Comments are closed.