NANINDIGAN si Pencak Silat Federation president Princess Jacel Kiram na hindi lamang talento kundi disiplina at karakter ng isang atleta ang basehan para sa pagpili ng mga miyembro ng Philippine Team na isasabak sa international competition, kabilang na ang 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12-27.
Ibinida ni Kiram na pinanday at hinasa ang pundasyon ng kasalukuyang koponan sa masinsing pagsasanay, disiplina at character.
“We could not promise a medal, but I’m proud to say that this team that we formed for the Vietnam SEAG is the result of hard work, dedication, discipline, and character building,” pahayag ni Kiram sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes via Zoom.
Nagwagi ang Pinoy pencak silat warriors ng isang gold at dalawang silver medals sa Manila edition noong 2019.
“Malaki ang adjustment na ginawa ng ating mga coach dahil sa pandemic, mostly nasa bahay lang mga atleta. But after payagan na tayo na magsanay sa ‘bubble’ set-up last year, tuloy-tuloy na ‘yung advancement sa training,” sabi ni Kiram sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB), at Pagcor.
Kasalukuyang nasa Nueva Ecija ang buong koponan at batay sa programa at sa pagpayag ng PSC para ma-extend ang bubble training, sinabi ni Kiram na tuloy sa Vietnam ang buong delegasyon.
“Ultimate sacrifice talaga ito para sa ating mga atleta lalo na kay Francine (Padios) whose father is still confined in a hospital in Aklan,” ayon kay Kiram.
Ang 18-anyos na si Padios ang buhay na patotoo sa kahalagahan ng matatag na grassroots sports program nang mula sa pagiging reserved sa edad na 16 ay matagumpay na nakapagwagi ng silver medal sa Manila edition, may dalawang taon na ang nakalilipas.
Bukod kay Padios, Grade 12 student sa Starglow Center for Academics and Arts sa Kalibo, Aklan, kasama sa 18-man (13 lalaki at 5 babae) pencak team sa Vietnam sina Manila edition gold medalist Edmar Tacuel (men’s tunggal), magkapatid at silver medal winners na sina Alfau Jan at Almohaidib Abad (tunggal/ganda event) at ang nagbabalik na si Dines Dumaan, 2017 SEAG gold medal winner. EDWIN ROLLON