PEREZ BEERMAN NA

CJ Perez

INAPRUBAHAN na kahapon ng Philippine Basketball Association (PBA) ang trade deal na nagdadala kay CJ Perez ng Terrafirma Dyip sa San Miguel Beer.

Kapalit ni Perez sa Terrafirma sina Matt Ganuelas-Rosser, Gelo Alolino, at  Russel Escoto, gayundin ang dalawang first round picks sa 2020 at 2022 PBA Draft.

Kinuha ng Terrafirma bilang top overall pick noong 2018, si Perez ay agad na gumawa ng impact nang makopo ang Rookie of the Year honor at Mythical First Team selection.

May average siya na 24.3 points, 6.8 rebounds, at 4.3 assists sa 2020 PBA Philippine Cup na idinaos sa isang  bubble setup sa Clark, Pampanga.

Sa kanyang magandang nilaro ay naging kontender siya para Best Player of the Conference award.

Ang 27-anyos na si Perez ay kasalukuyang nasa Gilas Pilipinas pool sa loob ng  training bubble sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna para sa third window ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers ngayong buwan.

Si Alolino ay may average na 2.2 points sa limang laro para sa Beermen sa Philippine Cup noong nakaraang buwan, habang si Escoto ay nakalikom ng 1.8 points at 2.9 rebounds sa 11 laro sa San Miguel noong nakaraang conference. Hindi naman naglaro si Ganuelas-Rosser sa Clark bubble at minabuting manatili sa United States.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagkaroon ng deal ang Terrafirma franchise sa San Miguel para sa top overall pick.

Noong 2017, noong kilala pa ito bilang Kia Picanto, ibinigay ng koponan ang top pick sa Beermen kapalit nina Ronald Tubid, Jay-R Reyes, Rashawn McCarthy, at ang  first round pick ng San Miguel sa 2019 PBA Draft. Pinili ng  Beermen si Filipino-German Christian Standhardinger. CLYDE MARIANO

Comments are closed.