PEREZ, PARKS, BOLICK, 45 PA SA ROOKIE DRAFT

PEREZ, PARKS, BOLICK

MAY kabuuang 48 aplikante ang magbabakasakali sa 2018 PBA Rookie Draft na gaga­napin sa Disyembre 16.

Ang pares nina Paul Desiderio at Diego Dario ng University of the Philippines ang huling nagsumite ng kanilang aplikasyon noong weekend kung saan nahigitan ng mga aplikante ngayong taon ang 44 na naitala noong nakaraang season.

Ang desisyon ng liga na palawigin ang deadline para sa local players na magsumite ng kanilang aplikasyon kahapon mula Disyembre 3 ay nagbigay-daan  para makahabol sina Desiderio at Dario makaraang maglaro para sa Fighting Maroons sa UAAP Season 81 men’s basketball finals laban sa eventual champion Ateneo Blue Eagles.

Ang official list ng mga aplikante ay ipalalabas sa Disyembre 14 o dalawang araw bago ang draft proceedings na idaraos sa Robinson’s Place Manila, na pormal na magbubukas sa 44th season ng PBA.

Ang lahat ng rookie hopefuls ay sasailalim sa tradisyunal na Draft Combine na nakatakda sa Dis. 12-13 sa Hoops Center sa Mandaluyong.

Pangungunahan ng trio nina CJ Perez, Bobby Ray Parks, at Robert Bolick ang  Class of 2018, kung saan ang Columbian Dyip ang may karapatan para sa no. 1 overall pick ngayong taon.

Ang mga player na maagang nagsumite ng kanilang aplikas­yon ay sina Trevis Jackson, Matt Salem, Bong Quinto, Robbie Manalang, Abu Tratter, John Paul Calvo, Michael Calisaan, Teytey Teodoro, Javee Mocon, at Carlos Isit.

Tatlong players sa draft ang nagkataong may magkakaparehong apelyido –  Kyles Lao ng University of the Philippines, Kent Jefferson Lao ng University of Santo Tomas, at  Edrian Lao ng University of the Visayas.

Si Fil-German Christian Standhardinger ang pinili ng San Miguel bilang top rookie pick noong nakaraang taon.

Comments are closed.