PEREZ PUMIRMA NA SA COLUMBIAN DYIP

cj perez

HABANG ang ibang rookies ay nasa kalagitnaan ng trade talk, si No. 1 overall pick CJ Perez ay nakuha na ang kanyang unang deal sa PBA.

Pumirma kahapon si Perez sa three-year, maximum contract sa Columbian Dyip, makaraang maging top overall pick sa 2018 PBA Rookie Draft na ginanap noong Linggo sa Robinsons Place Manila.

Gayunman ay hindi ibi­nunyag ang terms ng dating NCAA Most Valuable Player mula sa Lyceum of the Philippines University.

Si Perez ang bagong pundasyon ngayon ng Columbian Dyip franchise.

Sa araw ng draft, sinabi ni Columbian coach Johnedel Cardel na masayang-masaya sila sa pagkakakuha sa athletic swingman,  na pinangunahan ang Pirates sa back-to-back finals appearances sa NCAA.

“Malaking bagay si CJ. He can give more energy, tapos he’s a good character player, he’s a team player,” sabi ni Cardel.

Nauna nang pumirma noong Martes ng rookie maximum contract si Robert Bolick, ang No. 3 pick ng NorthPort Batang Pier.

Batay sa report, ang kontrata ni Bolick ay tatakbo ng dalawang taon kung saan tatanggap ang da­ting San Beda Red Lion ng sahod na P150,000 kada buwan sa ­unang taon at P220,000 naman kada buwan sa ikalawang taon

Samantala, hindi pa man nakapaglalaro ay mawawala na agad si second overall pick Bobby Ray Parks, Jr. sa Blackwater.

Napag-alaman na si Parks ay na-trade sa Meralco bilang bahagi ng three-team deal na kinasasangkutan din ng TNT KaTropa.

Si fourth overall pick Paul Desiderio ay mapupunta rin sa Blackwater, kasama si No. 7 pick Abu Tratter, kapalit ni Poy Erram.

Ang naturang mga transaksiyon ay aaprubahan pa ng PBA.

Comments are closed.