PERFECT RECORDS ITATAYA NG D’NAVIGATORS, AMC COTABATO

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12:30 p.m. – Army vs Air Force
3 p.m. – NU vs AMC Cotabato
5:30 p.m. – D’Navigators vs Navy

GALING sa halos isang buwang pahinga, magbabalik sa aksiyon ang AMC Cotabato sa Spikers’ Turf Open Conference kontra National University-Archipelago Builders ngayon sa Paco Arena.

Isa sa tatlong undefeated teams sa torneo, target ng Cotabato Spikers ang ika-4 na sunod na panalo sa 3 p.m. showdown sa Bulldogs.

Itataya ng D’Navigators ang kanilang perfect 4-0 record laban sa PGJC-Navy sa huling laro sa alas-5:30 ng hapon.

Maghaharap ang struggling military clubs Army at Air Force sa curtain raiser sa alas-12:30 ng hapon.

Bagama’t hindi pa ito naglalaro magmula nang gapiin ang Santa Rosa, 25-22, 22-25, 25-20, 25-17, noong nakaraang February 8, ang AMC Cotabato ay may national pool members na katatapos lamang sa training camp sa Taiwan at hindi magiging isyu ang pangangalawang kontra NU, na may players din na sumailalim sa Taiwan camp.

Ang Odjie Mamon-mentored Cotabato Spikers ay pinapaboran kontra Bulldogs, na hindi pa nananalo sa apat na laro.

Galing sa mahabang pahinga, ang Iloilo-based D’Navigators ay hindi pa naglalaro magmula nang maitala ang 17-25, 25-20, 26-24, 25-18 panalo laban sa Troopers noong nakaraang February 12.

Makakaharap ng tropa ni coach John Kenneth Panes ang Sea Lions crew na sinisikap na manatili sa top four range. May 3-3 record, ang Navy ay kasalukuyang tabla sa walang larong VNS sa fifth spot.