PERSONALIDAD, PROFESSIONALS, STUDENTS, NAGNINGNING SA 41ST CATHOLIC MASS MEDIA AWARDS

41st CMMA

(ni PAUL ROLDAN)

SAMU’T SARING personalidad, at maging mga mag-aaral sa mundo ng komunikasyon ang nagningning at kinilala ang husay at talento sa ginanap na 41st Catholic Mass Media Awards sa Teatro GSIS, GSIS Headquarters, sa Pasay City.

Ayon kay D. Edgard A. Cabangon, Acting Chairman ng CMMA at Chairman ng ALC Media Group, sa temang “We are members one of another (Ephesians 4:25). From network communities to human communities.” Ipinakita ng nominees, finalists, at awardees ang kahalagahan ng iba’t ibang Estilo ng komunikas­yon upang mapanatili ang mabuting relasyon at pagmamahalan sa isa’t isa sa kabila ng pagkakaiba ng bawat tao.

“Tunay na napa­panahon ang paksang ito sa gitna ng pagkahumaling ng karamihan sa social media at sa iba’t ibang samahan na nabubuo dahil dito. Hindi maipagkakaila na nakakatulong ang social media sa komunikasyon, pagpapamalas ng saloobin ng bawat indibidwal at sa pangkalahatang pagpapanatili ng personal na relasyon ng bawat isa,” wika ni Edgard Cabangon.

Manila Archbishop Luis Antonio Tagle
Manila Archbishop Luis Antonio Tagle

Kasama niya, na­nguna at naghatid din ng mga award plaque sina His Eminence Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, Honorary Chairman ng CMMA, Benjamin Ramos, Assistant to the Acting Chairman and President, Rev. Fr. Joselito Buenafe, Trustee at Over-all in charge of production, at iba pang Board of Trustees at officers ng CMMA.

Nanguna sa kate­gorya ng Film ang Hapag ng Don Bosco Technical College – Mandaluyong na ginawaran ng Best Student Short Film Award; Through Night and Day ng Viva Films bilang Student’s Choice Award for Best Film; at Perigrino ng Dominican Studentate na wagi ng Best Student Short Film Special Citation.

Para naman sa mundo ng Telebisyon, wagi ng Best Entertainment Program ang ASAP Natin ‘To ng ABS-CBN Channel 2); Best News Program ang Aksyon ng TV5; Kapuso Mo, Jessica Soho ng GMA 7 para sa Best News Magazine; Unang Hirit sa Vatican at Italy Live Special Coverage ng GMA 7 na nakakuha ng Best Special Event Coverage; habang 7 Last Words ng ABS-CBN/ Mission Communication Foundation Inc. para sa Best TV Special.

Personal naman na tinanggap ng mga bidang sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix ang Best Drama Series / Program Award para sa Sahaya ng GMA 7; Carla Estrada at Jolina Magdangal para sa kanilang programang Magandang Buhay sa ABS-CBN para sa Best Talk Show.

Sa kabilang dako, binigyang pugay ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kanyang keynote at inspirational message ang finalists at awardees sa kanilang mga likhang sining pangkomunikasyon at binigyang- diin ang kahalagahan nito sa bayan higit lalo sa pagbabagong nais ng pamahalaan.

Liban sa pagtataguyod ng kalini­san, kaayusan at seguridad sa lungsod ng Maynila, iginiit ng alkalde na hindi matutupad ang layunin ng pamahalaan kung walang pagtutulungan at pagkakaisa sa pag­lilinis ng kapitolyo ng bansa. Malaking tulong rin aniya sa adbokasiya nito ang paggamit ng iba’t ibang media paltforms upang magpalaganap ng impormasyon at tulu­ngan.

“Sana po para sa lahat ng mga finalists at awardees, at sa iba pang artists, sa mga gagawin niyo pang content, unti-unti na­ting ipaliwanag sa ­ating mga kababayan na kung gusto natin ng pagbabago, magsimula ito sa atin. Wag kayong mawawalan ng pag-asa, the mere fact na andito kayo makes you all winners. Makakaasa po kayo sa patuloy na tulong at suporta ng lokal na pamahalaan ng Maynila,” sinabi pa ni Yorme Isko.

Liban sa mga pinarangalan sa iba’t ibang kategorya, ginawaran rin ng pagkilala para sa St. John Paul II Award for 2019 ang Men of Light at Serviam Award para sa The Society of the Divine Word, at ang mga nagwagi para sa 13th Cardinal Sin Catholic Book Awards.

Nanguna naman bilang Best Religious Program ang KeryGMA TV ng IBC 13 at TV Maria/ Shepherds Voice Radio & TV Foundation Inc.; ang TV5 Network Station ID para sa Best Station I.D; Daddy’s Gurl ng GMA 7 para sa Best Comedy Program; Reporters Notebook “Silang Pinaka-mahirap” ng GMA 7 para sa Best Public Service Program; Biyahe ni Drew ng GMA News TV para sa Best Adult / Educational Program; at ang Nang Ngumiti ang Langit ng ABS-CBN para sa Best Children and Youth Program

Inalala naman ni Cabangon ang mga aral at gabay ng kanyang ama at dating CMMA Chairman, Amb. Antonio Cabangon-Chua, na siyang sumasalamin sa adhikain at layunin ng parangal CMMA na maipalaganap ang kabutihan ng simbahan sa tulong ng mass media.

“Ito po ang vision na ipinamana ng yumao kong ama na si Amb. Antonio Caba­ngon Chua na namuno sa CMMA sa matagal na panahon. I can still remember him saying that we should be the guardian of mass media and utilize its power to promote Christian values through the different medium- print media, radio, television and the social media,” ayon kay Edgard Cabangon.

Sa industriya naman ng Musika, wagi bilang Best Music Video ang I Pray ni Marlo Mortel/ Star Music; Superhero ni Jed Ma­dela/ Star Music bilang Best Secular Album; “Chosen” Songs from an original musical ng Various Artists/Jesuit Communications Foundation Inc. para sa Best Inspirational Album; Ililigtas Ka Niya ni Gary Valenciano/ Star Music para sa Best Secular Song; at personal na tinanggap ni Jamie Rivera ang Best Inspirational Song Award para sa kanyang awiting Inang Maria ng Lindogon.

Ginawaran naman ng Best News Program para sa kategorya ng Radio ang Super Bali­ta sa Umaga, Nationwide ng Super Radyo DZBB/ GMA at ang Radyo Patrol Balita Alas Siyete ng DZMM Radyo Patrol 630 ABS CBN; Best News Feature award para sa Jueves Santo ng 96.3 Star FM Davao/ Bombo Radyo Philippines; Best Educational Program para sa Bombo Lifestyle ng Bombo Radyo Iloilo/ Peoples Broadcasting Service Inc.;

Best Counseling Program ang Talk to Papa ng Barangay LS 97.1/ GMA; at ang Bottle of Peace ng Our Lady of Caysasay Academy ng Best Student Public Service Radio Ad.

Hindi naman nagpahuli sa mundo ng Print Media ang Public Lives ni Randy David ng Philippine Daily Inquirer na wagi bilang Best Opinion Column; Packed with Devotion ni Mark Alvic Esplana/ Phil. Daily Inquirer bilang Best News Photograph; Best Family-Oriented Magazine na nakuha ng Family Matters ng Don Bosco Press Inc.; at His Home ng Faith Colleges para sa Best Student Public Service Print Ad.

Kinilala rin ng CMMA ang mga natatanging likha ng mga mag-aaral tulad ng Phoenix ng Lyceum of the Philippines University-Batangas bilang Best Student Literary Publication; habang Best Student Organ Awards naman para sa College category ay ang The Varsitarian ng University of Santo Tomas; The Sage ng Sophia School para sa High School at ang Hasik ng La Salle Greenhills para sa Grade School.

Umani rin ng pa­puri at iba’t ibang parangal ang ABS-CBN Corporation, UST Angelicum College, Philippine Jesuit Aid Association Inc., Manila Bulletin, Frontrow, ang SM Investments Corporation, at ang Logika Concepts Inc., para sa mga likha nitong media content para sa industriya ng advertising.