PET BILL NI GRACE POE, BATAS NA

grace poe

MASAYA si Senador Grace Poe dahil pinal nang naging batas ang kanyang iniakdang First 1000 Days na magpapalakas sa nutrisyon ng lahat ng bata sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay.

Tinawag ding Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, ang Republic Act 11148 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nob­yembre 29.

Nilinaw ni Poe na sa RA 11148 ay mapagkakalooban ng wastong pag-aaruga ng ina ang lahat ng sanggol sa ating bansa sa ilalim ng child health care program upang mahadlangan ang pagkabansot at malnutrisyon ng mga bata.

“Sa wakas, batas na ang ating pet legislation, ang First 1000 Days! Para ito sa lahat ng ina at bata, ngayon at sa mga susunod na henerasyon. Thank you, Lord, at sa lahat ng nakipagtulungan para matupad ang pangarap nating ito para sa ating mga kababaihan at kabataan,” sabi ni Poe sa kanyang Facebook page.

Sa ilalim ng First 1,000 Days Law, inaatasan ang pamahalaan na gawing prayo­ridad ang nutrisyon ng mga buntis at nagpapasusong mga ina, lahat ng sanggol at mga bata.

Nagkakaloob din ito ng malawak na estratehiya upang matugunan ang kalusugan at nutrisyon ng mga sanggol at nag-aatas na gawing institus­yon at iangat ang mga plano sa gastusin  para sa kalusugan at nutrisyon sa pangrehiyon at lokal na yunit sa pagpapaunlad.

Buong pagkakaisang inapru­bahan ng Senado ang Senate Bill 1537 na kilalang “Healthy Nanay and Bulilit Act” noong nakaraang Marso samantalang ipinasa ito ng Kamara ng mga Representante noong Setyembre 2017.

Kinakailangan ng gobyerno ang P17 bilyon upang maipatupad ang 1,000 Days Program na magliligtas sa tinatayang 2.7 milyong buntis upang mabakunahan laban sa mga sakit na tetanus at diphtheria.

Pinalakas ng bagong batas ang pagpapatupad sa Executive Order 51 o ang “Milk Code” at ang Republic Act 10028 o ang “Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009” na nagtataguyod sa optimal infant and young child feeding and maternity protection.

Comments are closed.